EBANGHELYO: Jn 18:1—19:42
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo ibinigay ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagkasapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, ngayon ay Biyernes Santo. Araw ito ng kalungkutan, pero higit pa rito, isang araw ito ng pag-ibig. Pag-ibig na hindi nagdalawang-isip na mag-alay ng buhay para sa atin. Pag-ibig na hindi natin karapat-dapat na tanggapin, pero ibinigay sa atin nang walang kapalit. Ano ang tugon natin sa ganitong pag-ibig? Ano ang maaari nating maibahagi sa ating Panginoon na nagbigay ng lahat para sa atin? Hindi ba’t ang pinakamainam na tugon ay ang pagmamahal din sa kanya at sa ating kapwa? Hindi ba’t ang pinakamagandang alay ay ang ating sarili, ang ating puso, ang ating buhay? Mga kapanalig, ngayong Biyernes Santo, magpasalamat tayo sa Diyos sa kanyang dakilang pag-ibig. Tumugon tayo sa kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng ating pag-ibig. At ipagdiwang natin ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng ating buhay.