Is 58:1-9a – Slm 51 – Mt 9:14-15
Mt 9:14-15
Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”
PAGNINILAY
Ang pagninilay sa araw na ito, ibinahagi sa atin ni Bro. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul. Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo, sa araw na yaon sila mag-aayuno. Paano ba mag-aayuno ang mga taong nasa isang kasalan, sa isang kasiyahan? Mahirap unawain ang gayong mga salita ni Jesus. Pero makatutulong sa atin kung titignan natin na naisulat ang ebanghelyo ito, matapos makapiling ng mga alagad si Jesus. Nang nasa langit na Siya. Noong kapiling pa nila si Jesus, nagdiriwang sila, dahil kapiling nila ang dahilan ng pagdiriwang. Nalalaman nila na kasama nila ang Panginoon at habang kapiling pa Siya, nararapat nilang namnamin ang karanasan na kasama nila si Jesus. Mahalagang makita na ang dahilan ng pagsasaya, si Jesus, na kapiling nila. Sa mga sandaling hindi na nila Siya kasama, doon sila mag-aayuno, mag-titika hanggang makarating sila kung saan naroon ang Panginoon. Hindi sumasalungat si Jesus sa pag-aayuno. Bagkus, nais niyang iparating sa mga pariseo at mga alagad ni Juan, na mahalagang alalahanin ang dahilan kung bakit sila nag-aayuno. Hindi sapat ang papaimbabaw na pag-aayuno. Wala itong sapat na patutunguhan, dahil nalalayo sila sa dahilan. Mga kapatid, ‘yan din ang panawagan sa atin ngayong panahon ng Kuwaresma; na suriin natin ang dahilan o motibasyon kung bakit tayo nag-aayuno. Ginagawa ba natin ito, bilang tanda ng ating pagmamahal sa Diyos na nag-alay ng buhay alang-alang sa pag-ibig sa atin? O kaya naman, nakikiisa tayo sa Kanyang dinanas na hirap at pasakit bilang pagtitika sa mga nagawa nating kasalanan? O di kaya, nag-aayuno tayo, dahil gusto lang nating mag-diet, maging maganda at sexy ang katawan, at maging physically fit na gampanan ang anumang gawain. Anuman ang tunay na dahilan ng ating pag-aayuno, nababatid lahat ito ng Panginoon. Wala tayong maitatago sa Kanya. Kaya hilingin natin sa Panginoon, ibalik tayo sa tamang pakikipagtipan sa Kanya at dalisayin ang ating intensiyon sa pag-aayuno. Panginoon, basbasan at pakabanalin Mo po ang mga ginagawa kong sakripisyo ngayong panahon ng Kuwaresma. Amen.