Daughters of Saint Paul

MARSO 3, 2018 SABADO SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

LUCAS 15:1-3, 11-32

Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa mga Pariseo at mga guro ng Batas: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: 'Itay, ibigay na n'yo sa akin ang parte ko sa mana.' At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. “Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing 'yon at nagsimula siyang maghikaos…“Noon siya natauhan at nag-isip: 'Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya: 'Itay nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo…“Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama.  Malayo pa siya mga utusan: 'Madali, dalhin n'yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya… sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.' At nagsimula silang magdiwang… “Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at naki-usap sa kanya… “Sinabi sa kanya ng ama: 'Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.'”

PAGNINILAY:

Ang Ebanghelyong ating narinig, nagsasalarawan ng dakila at walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa bawat isa sa atin.  Kahit paulit-ulit tayong nadadapa at nagkakasala dahil sa ating maling pagpili at desisyon, hindi Siya nawawalan ng pag-asa sa atin.  Hindi Siya nagsasawang maghintay sa ating pagbabalik kahit gaano pa ito katagal dumating.  Alam Niya na darating ang araw, makakapag-isip-isip rin tayo at hahanapin ang daan pabalik sa Kanya.  Katulad ng ama sa talinhaga na laging nakaabang sa pagbabalik ng kanyang anak, ganun din ang Diyos sa atin.  Lagi Siyang nakaabang, at buong pagtitiyagang naghihintay sa ating pagbabalik.  At kapag natunton na natin ang daan pabalik sa Kanya, buong langit magdiriwang sa ating pagbabalik-loob.  Malayo pa, sasalubungin na tayo ng Ama nang buong pananabik; daramtan ng pinakamagara at mamahaling damit; at ipaghahanda ng napakasayang piging – dahil namatay na nga tayo, pero muling nabuhay.  Mga kapanalig, anumang kasalanan ang umaalipin sa atin ngayon, buong kababaang-loob natin itong pagsisihan, at ihingi ng tawad sa Diyos.  Walang kasalanang di Niya kayang patawarin kung taos-puso ang paghingi natin ng tawad.