EBANGHELYO: Mt 20:17-28
Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa. At habang nasa daan ay sinabi n’ya sa kanila, “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanyang kamatayan. Kaya ibibigay nila s’ya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus; ngunit babangon s’ya sa ikatlong araw.” Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan, kasama ang dalawa niyang anak at lumuhod sa harap n’ya para makiusap. Tinanong s’ya ni Jesus, “Ano ang ibig mo?” “Narito ang dalawa kong anak, iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong kaharian.” “Hindi n’yo alam ang inyong hinihingi, maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” “Kaya namin.” “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi, “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi ganito sa inyo. Ang may gustong maging dakila, s’ya ang maging lingkod n’yo. Ang may gustong mauna sa inyo, s’ya ang maging alipin n’yo. Gayundin naman dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Precy Palad ng Institute of our Lady of Annunciation (IOLA) ang pagninilay sa Ebanghelyo. Lahat tayo ay may ambisyong maging sikat, big shot, importante, nauuna sa marami – ibat ibang antas at uri ng pagiging makasarili. Kita natin ito kay Juan at Santiago at kanilang ina. Panginoon pwede po ba gawain ninyong Prime Ministers ang mga anak ko sa inyong kaharian?// (Maraming beses sa ating paglilingkod sa simbahan at sa pamayanan, hindi lubusan ang ating pagbibigay. Sa totoo lang, naghihintay tayo ng kapalit – pagkilala at pagpapahalaga. Ilang beses sumasama ang ating loob at nagtatampo tayo, kung hindi mabanggit ang ating pangalan, o makalimutan tayong pasalamatan? Kilala tayo ng Panginoon, alam niya ang ating mga kahinaan, pagkukulang at kalabisan. //) At ano ang tugon ni Jesus sa pakiusap ng ina? Hindi pagkagalit, pagsaway at pagtaboy ang tugon ni Jesus sa kanila. Tinawag Niyasilang lahat pati na ang sampung kasama nila. Halikayo, pakinggan ninyo, unawain ninyo at isabuhay ninyo. Hindi sa titulo at pwesto sa buhay ang kadakilaan ng isang tao. Ang tunay na dakila ay iyong taos-pusong naglilingkod lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan. // Dito makikita natin ang ating Panginoon na tunay na excellent formator, maestro at taga-hubog ng kanyang mga alagad. Ang bawat kahinaan at pagkukulang ay Kanyang pinupunuan ng mga aral at halimbawang nag bubuo sa kanilang pagkatao.
PANALANGIN
Dakilang Maestro, salamat sa mga aral, turo at halimbawa mo. Tulungan mo kaming makapaglingkod na walang hinihintay na kapalit kundi ang maging matalik na kaibigan mo. Amen