Daughters of Saint Paul

MARSO 30, 2018 BIYERNES SANTO

JUAN 18:1 – 19:42

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo'y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo ibinigay ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagkasapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma'y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.

           

 PAGNINILAY:

Sa narinig nating pagbasa, natunghayan natin kung paano nagsimula ang paghihirap ng Diyos mula mismo sa kamay ng Kanyang mga minamahal na alagad. Si Hudas na ipinagpalit ang kanilang pagkakaibigan para sa tatlumpung pirasong pilak at si Pedro na itinatwa Siya ng tatlong beses.  Marahil isang patunay ito na si Hesus, hindi iba sa atin. Dahil nakaranas din Siya kung paano ipagkanulo ng mga mahal Niya sa buhay. Tunay nga na mas higit ang sakit na ating mararamdaman kung ang mga taong tatalikod sa atin, mga taong inasahan, pinagkatiwalaan at minahal natin.  Tayo rin mga kapanalig, sa paulit-ulit nating pagpili sa kasalanan, patuloy rin nating ipinagkakanulo at itinatatwa ang ating Panginoon.  Pero sa kabila ng ating mga paulit-ulit na pagkakanulo at pagtatwa sa Kanya, sinusuklian lamang Niya ito nang mas malalim at mas dakilang pagmamahal. At ang krus ang tiyak na patunay nito. Ang krus ang nagsisilbing paalala na hindi tayo iniwan at iiwan ng Diyos.  Ang pag-ibig Niya ang mananatiling tiyak dito sa mundo. At talikuran man tayo ng buong sangnilikha, si Hesus – mananatili, maghihintay at magmamahal. Panginoon, sa pamamagitan ng Iyong krus, patatagin Mo nawa ang aming pagtalima at pag-ibig sa Iyo. Amen.