EBANGHELYO: Jn 13:21-33, 36-38
Nabagabag sa kalooban si Jesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinanguan ito ni Simon Pedro upang usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo.” Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung bakit sinabi niya iyon sa kanya. Dahil hawak ni Judas ang pananalapi, inakala ng ilan na sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y “Mag-abuloy ka sa mga dukha.” Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyang luluwalhatiin. Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’ sinasabi ko rin sa inyo ngayon. Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin sa pupuntahan ko; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Lulu Pechuela ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. Naisip mo din ba kapatid, kung ano kaya ang nangyari kung nagbagong-isip si Judas? O kung naunawaan ng mga alagad ng Panginoon ang kanyang sinabi na “ang isa sa inyo ay magkakanulo sa akin” at pinigilan nila si Judas? Alam natin kung gaano kainitin ang ulo ni Pedro, di ba? Tunay na di maabot ng isip ng tao ang dakilang plano ng Ama para sa ating kaligtasan.// Ang katagang binitiwan ng Panginoon kay Judas “ang gagawin mo ay gawin mo na” ay patungkol din sa atin. Kung uunawain natin, ito ay maaring isang pangaral na huwag nang ipagpabukas pa ang maari mong gawin ngayon. Ang mga naliligaw nang landas ay magbalik-loob at magbagong buhay na. Ang mga nakalugmok sa pagkakasala ay magsisi na. Ang mga matitigas ang puso ay matuto nang magmahal. Ang nakatanggap ng biyaya ay magpasalamat na. Now na! Huwag nang ipagpabukas pa! Gawin na ang dapat gawin ngayon, dahil ang bukas ay hindi ipinangako kanino man.
PANALANGIN
Panginoon, mabilis ang ikot ng aming mundo. Maraming mga bagay-bagay ang umaagaw sa aming atensyon. Wala na halos kaming panahong manahimik, manalangin at magnilay. Gabayan mo po kami, na sa araw-araw, unahin naming gawin ang tama: magpasalamat, magmahal, magbagong-loob. Amen