Daughters of Saint Paul

Marso 30, 2025 – Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)

Ebanghelyo: LUCAS 15,1-3, 11-32

Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas, “Tinatanggap n’ya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay n’yo na sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang mga ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon n’ya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ‘yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya’t pumunta s’ya at namasukan sa isang taga-roon at inutusan s’yang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana n’yang punuin kahit na ng kaning baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon s’ya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo, ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa s’ya ng matanaw ng kanyang ama at naawa ito. Patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo, hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin n’yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya. Suotan nyo ng singsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya. Kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na s’ya at malapit na sa bahay, narinig n’ya ang tugtugan at sayawan. Tinawag n’ya ang isa sa mga utusan at tinanong sa kanya. ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi n’ya s’yang buhay at di naano.’ Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Datapuwat sumagot sa kanyang ama, ‘Ilang taon na akong naglilingkod sa ‘yo na di lumalabang sa iyong mga utos at kailan man ay hindi mo ako binigyan ng kahit na isang maliit na kambing na ipagkakatuwa namin ng aking mga kaibigan. Datapuwa’t ng dumating ang anak mong ito na naglustay ng iyong kayamanan sa masasamang babae, pinatay mo ang pinatabang baka.’ Ngunit sinabi sa kanya ng ama, ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya tayo dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.’”

Pagninilay:

Punung-puno ng pag-asa ang Parabola ng Alibughang Anak. Bumalik siya sa bahay ng Tatay niya sa pag-asang muli siyang tatanggapin kahit bilang isang alipin na lamang at hindi na bilang isang anak. Pagkatapos siyang sumadsad sa buhay at nalugmok sa hirap at kahihiyan, wala siyang ibang alam na maaring balikan kundi ang kanyang ama. Handa siyang maging isang utusan ngunit sa laking gulat niya ibinalik ng Ama lahat ng kanyang karapatan at dignidad bilang isang anak. Sa labis na tuwa ng Ama, nagpahanda siya ng isang piging. Sa ikaapat na Linggo ng Kuwaresma habang papalapit tayo sa mga Mahal na Araw, parang isang buntong-hininga ang Linggong ito sa gitna ng ating mga sakrispisyo sa Kuwaresma. Ipinasilip ni Jesus sa isang kuwento ang matinding habag ng Diyos para sa mga nagkamali sa buhay at sa mga nagkasala. Ipinapakita niya kung paanong hindi niya tayo maaring itapon sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig niya sa tao lalo na sa mga naligaw ng landas. Ang nakatatandang kapatid na nagalit sa pagbabalik ng alibughang anak ay kinatagpo ng Ama sa labas ng bahay at hinihikayat itong pumasok sa bahay at makibahagi sa kasiyahan. Hindi sinabi kung paano nagwakas ang parabola. Sumama kaya sa Ama ang panganay na anak sa piging sa loob ng bahay, o nanatili siyang nakalugmok sa galit at panghuhusga sa kanyang kapatid?