Daughters of Saint Paul

MARSO 31, 2020 – MARTES SA IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Juan 8:21-30

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “Aalis ako at hahanapin n’yo ako, at sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Hindi nga kayo makaparoon kung saan ako pupunta.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Bakit kaya niya sinabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon?’ Magpapakamatay kaya siya?” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Mula kayo sa ibaba; mula naman ako sa itaas. Kayo’y mula sa mundong ito; hindi ako mula sa mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Mamamatay nga kayong taglay ang mga kasalanan n’yo kung hindi kayo maniniwala na Ako Siya.” At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo noon pa. Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagsugo sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya- ito ang binibigkas ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus: “Kapag inyong itinaas ang Anak ng Tao, matatalos n’yo na Ako Siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama, ito ang aking binibigkas. Kasama ko nga ang nagsugo sa akin at hindi niya ako binabayaang nag-iisa sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.” Nang sabihin ito ni Jesus, marami ang naniwala sa kanya.

PAGNINILAY:

(Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.) Sa Ebanghelyong narinig natin, malinaw na nagpakilala si Jesus. Sa kanyang katauhan, napapaloob ang tatlong persona, ang Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo. Bagama’t hindi ito lubos na naiintindihan ng mga alagad, marami pa rin ang naniwala sa kanya. Bilang tao, limitado lang talaga ang pwede nating malaman at maintindihan. Kaya walang sinuman ang makapagsasabi na kilalang-kilala na natin ang ating sarili o ang ating kapwa kahit pa gaano katagal natin silang nakasama. Kaya naman wala ring puwang sa ating buhay ang manghusga sa ating kapwa, gayun din sa ating mga sarili. Tanging Diyos lang ang may karapatang makapagsasabi kung tunay nga tayong naging mga alagad niya o hindi. 

PANALANGIN:

Panginoon sana araw-araw at hanggang sa huling sandali ng aming buhay ay makilala kami bilang mga karapat-dapat at matapat mong mga alagad. Amen.