EBANGHELYO: Mt 26:14-25
Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo? Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya. Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
PAGNINILAY
Ang Miyerkules Santo ay popular sa tawag na “Spy Wednesday” dahil sa araw na ito ibubunyag ni Jesus ang magtatraydor sa kanya. Ito ang tagpong narinig natin sa Mabuting Balita kung saan ipinagkanulo ni Hudas Escriote si Jesus at ipinagbili sa halagang tatlumpung (30) pirasong pilak. Ang pagkanulong ito ni Hudas ang nagpasimula sa magkakasunud-sunod na sinapit ng ating Panginoong Hesukristo, na humantong sa kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. Si Jesus bilang Lingkod ng Panginoon na pinagtaksilan, pinaglurhan, ininsulto at pinagtawanan ay naging masunurin pa rin sa kalooban ng Ama hanggang sa huli. Sa Kanyang pagsigaw sa krus na “Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” – Batid Niya na may mabuting kahihinatnan ang Kanyang pagdurusa, ang biyaya ng kaligtasan para sa sangkatauhan.
PANALANGIN
Mahal na Panginoong Jesukristo, Ikaw ang aming pag-ibig at pag-asa. Patawad po sa aming patuloy na pagpapahirap sa Iyo sa Krus dahil sa aming paulit-ulit na kasalanan. Ipagkaloob Mo ang mga biyayang mahalin ka hanggang kamatayan. Papuri at pasasalamat sa Iyo. Amen.