Mapagpalayang araw ng Huwebes, mga kapanalig! Huling araw na ng Marso at patuloy tayong kapiling ni Kristo! Kaya itaas natin ang ating papuri sa Kanya. Ito ang inyong kapanalig, Sr Gemma Ria ng Daughters of St. Paul. Kapag nakagawa ka ng mabuti, sino ang binibigyan mo ng papuri? Dakilain natin ang Diyos Ama na nagbunyag ng Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Ito ang tema ng Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata lima, talata tatlumpu’t isa hanggang apatnapu’t pito.
EBANGHELYO: JUAN 5:31-47
Sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Kung nagpapatotoo ako sa aking sarili, hindi mapanghahawakan ang patotoo ko. Ngunit iba ang nagpapatotoo tungkol sa akin at alam ko na mapanghahawakan ang kanyang patotoo tungkol sa akin. Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito dahil sa inyo para maligtas kayo, ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Isa nga s’yang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto ninyong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patotoo naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawang ginagawa ko ay nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama. At nagpapatotoo rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin nananatili sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinaliksik ninyo ang mga Kasulatan sapagkat iniisip ninyong doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Nagpapatotoo nga sa akin ang mga Kasulatan, ngunit ayaw ninyong lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit alam kong walang pagmamahal sa Diyos sa inyong kalooban. Hindi ninyo ako tinatanggap sa pagdating ko sa ngalan ng aking Ama; kung sakaling may pumarito sa sarili niyang pangalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kaya kayo makapaniniwala kung ang hangad ninyo’y papuri sa isa’t isa at hindi ang papuring galing sa iisang Diyos ang hanap. Huwag ninyong ipalagay na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inasahan. Kung pinaniniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga pananalita ko?”
PAGNINILAY
Si Aleng Nena ay simpleng nagtitinda ng lugaw sa Libertad market. Apektado ang kanyang hanapbuhay bunga ng pandemya. Pero, bukas-loob pa rin siyang nakiisa sa pagbibigay ng ambag para makabili ng bigas at simpleng ulam para sa mas nangangailangan. Walang pagmamapuri si Aling Nena. Tahimik siyang nangunguna sa pagluluto para sa rasyon. Bukod sa maliit na halaga, ambag niya ang kanyang oras at lakas. Hindi ito nakasocial media, pero ang mata ni Lord ang nakakakita. Isang kuwento ito ng buhay na maaari nating pagnilayan. Marami ngang problema at kasamaan ang nangyayari araw-araw pero, sigurado tayong marami ring kabutihan ang nangyayari na maaari nating paghugutan ng lakas. O Dios Ama, Turuan mo kaming maging bukas palad ng pag-ibig moy maipadama. Amen.