EBANGHELYO: Jn 20:1-9 (Misa sa Gabi: Lc 24:13-35)
Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan niyang magbangon mula sa mga patay.
PAGNINILAY:
Ayon sa kautusan, dalawang araw pa ang kinailangang hintayin ni Maria Magdalena bago muling madalaw ang libingan ni Hesus. Matindi ang kanyang lungkot at pagkasabik na muli itong makita. Pero, lalo pang nadagdagan ang kanyang takot at pagkalito, nang makitang wala na si Hesus sa libingan. Ganito rin ang naramdaman ni Pedro, na ngayoý hindi rin tiyak kung ano ang mangyayari sa kanyang buhay. Wala na ang kanyang maestro na sinusunod at minamahal. Pero, kahanga-hanga ang talas ng paningin, at lalim ng paniniwala ng alagad na sinasabing mahal ni Hesus. Bakit? Dahil kahit mas mabilis at una niyang narating ang libingan kaysa kay Pedro, hindi siya pumasok agad. Binigyan niya ng pagkakataon ang sarili, na makita at lubos na madama ang kanyang paligid. At gaya ng sinabi sa ebanghelyo, “At nakita niya, at naniwala siya.” Mga kapatid, ano ang mga ebidensyang maari nating panghawakan, na tunay ngang nabuhay si Hesus. Una, natanggal ang napakabigat na batong nakaharang sa bukana ng libingan; Ikalawa, naiwan ang mga telang linong nakatakip sa katawan ni Hesus; Ikatlo, at marahil, ang pinakamahalaga sa lahat, ang panyong nakatalukbong sa may ulunan ni Hesus, maayos na nakatiklop. Sinasabi na para sa mga karpintero ng panahong iyon, sagisag ng pagtatapos ng kanilang gawain ang maayos na pagtitiklop ng kanilang tuwalya at pagpatong nito sa ginagawa. Siguro, hawig ito sa ginagawa ng mga Nanay ngayon, na pagtatago sa walis at pagsasampay sa nilabhang basahan sa pagtatapos ng paglilinis ng bahay. At para kay Hesus, natupad na rin ang kanyang misyon para sa kanyang Ama.
PANALANGIN
Panginoon, tulungan Mo po akong mapahalagahan ang mga tao, bagay at maging ang kalikasan na bahagi ng aking pang-araw-araw na buhay. Loobin mong matuto rin akong tumigil at magmasid at makinig upang sa mga detalyeng itoý, mabatid ko ang iyong kalooban para sa akin, Amen.