Is 58:9b-14 – Ps 86 – Luke 5:27-32
Luke 5:27-32
Nakita ni Jesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya.
Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang mga tao. Dahil dito'y pabulong na nagreklamo sa ng alagad ni Jesus ang mga Pariseo at ang mga guro ng Batas na panig sa kanila: “Ba't kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang mga malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, meron bang taong walang kasalanan? Wala, di ba? Lahat tayo nagkakasala sa isip, sa salita at sa gawa at sa ating mga pagkukulang – sinasadya man natin ito o hindi. Kaya ang sinumang magsabing wala siyang kasalanan – iyon na ang kanyang pagkakasala. Dahil siya’y nagsisinungaling, hindi kilala ang sarili o kaya’y bulag siya sa kanyang mga pagkakamali. Pero, huwag tayong mawawalan ng pag-asa kung makasalanan man tayo, dahil naparito ang Panginoong Jesus para sa atin. Sabi nga Niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doctor kundi ang mga maysakit. Hindi ako naparito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga masasama.” Mga kapatid, kung kilala natin ang ating sarili bilang mahina at nagkakasala, siguro mas magiging mahinahon tayo sa paghusga sa kahinaan ng ating kapwa. Dahil alam natin na tayo mismo marami ding kapintasan, nagsisikap din magpakabuti at sumunod sa kalooban ng Diyos. Ang taong bulag sa sariling pagkukulang mapanhusga sa kapwa, mahilig mag-tsismis at pagpiyestahan ang kahinaan ng iba. Makitid ang pag-iisip ng mga taong namumuhay ng ganito. Kapatid, suriin mo ang iyong sarili; mas mabilis mo bang makita ang pagkakamali ng iba kaysa sa iyong pagkakamali? Magdahan-dahan ka sa paghusga! Dahil baka ang mga ugaling ayaw at kinaiinisan mo sa kapwa – nasasayo din. Defense mechanism itong kung tawagin psychological projection base sa teorya ni Sigmund Freud. Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong hinusgahan ko ang aking kapwa. Amen.