Daughters of Saint Paul

MARSO 4, 2018 IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA (B)

JUAN 2:13-25

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem si Jesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Jesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Jesus. Nang bumangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

PAGNINILAY:

Sino ba ang Jesus na pinaniniwalaan mo?  Ito ba ang Jesus na ipinadala sa atin ng Ama, o ang Jesus na ayon sa ating sariling pagtingin?  Iba’t-iba ang pagtingin natin kay Jesus, depende sa ating karanasan nang pakikipag-ugnayan sa Kanya.  Meron ang pagtingin kay Jesus, isang Ama na mapagkalinga; isang kaibigan na pinagsasabihan ng problema at hinihingan ng tulong; isang kapatid o kaibigan na kasa-kasama sa paglalakbay sa buhay.  Anuman ang relasyon natin kay Jesus ngayon, mahalagang pakaisipin natin na Siya ang kaganapan ng pangakong pagliligtas ng Ama, ang dakilang pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos Ama sa atin.  Sa Ebanghelyo ngayon nangungusap sa atin ang Jesus na ipinadala ng Ama.  Hindi kababalaghan o karunungang dikta ng daigdig ang dala Niya, sa halip, ipinapakilala ng Ama sa atin si Jesus na kailangang magbata ng hirap, mamatay pero muling mabubuhay.  Mga kapatid, nawa’y maging handa tayong sundan si Jesus sa pagtataboy ng anumang hindi maka-Diyos sa ating buhay tulad ng hindi pagpapatawad, pandaraya sa negosyo, mga maling pakikipag-relasyon, at pagmamalabis sa kapwa at sa kalikasan.  Ang ating katawan ang templo ng Espiritu Santo.  Kaya sikapin sana nating pakalinisin ang ating katawan sa mga kasalanan nagpaparumi dito nang maging karapatdapat tayong panahanan ng Espiritu Santo.  Panginoon, pakalinisin Mo po ako sa mga kasalanang nagpaparumi sa akin, upang maging marapat akong panahanan ng Iyong banal na Espiritu.  Amen.