Daughters of Saint Paul

MARSO 4, 2021 – HUWEBES SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Lk 16:19-31

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piesta ang kanyang buhay araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan n’ya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad s’ya ng sugat at gusto sana n’yang kanin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang sugat. At namatay ang dukha at dinala s’ya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na s’ya tumingala s’ya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya’t sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw n’ya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya s’ya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na bangin ang hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’ ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro  sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ ‘Nasa kanila si Moises at ang Mga Propeta, makinig sila sa mga ito.’ ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta, hindi pa rin sila maniniwala bumangon man ang isa sa mga patay.’”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Janice Golez ng PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Naranasan mo na bang maturukan ng anesthesia? Yung kapag naturukan ka, di ka na nakakaramdam? In other words, manhid na? Eh, paano pa kaya kung ang pagka-manhid na ito ay di lang sa pisikal na kalagayan. Paano kung espiritwal na?) Sa Mabuting Balitang ating narinig, nalaman natin ang kwento ng isang mayaman na piniling maging manhid kaysa maging sensitive. Pinili nyang di pansinin ang kalagayan ng kanyang kapwang si Lazaro. Opps! Di nga pala sya naging “kapwa” kay Lazaro. Kasi ang maging kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha, ay ang pagkakaroon ng malasakit at paggawa ng kabutihan sa kanila. Naituro at pinaalala sa atin ito ni Pope Francis noong 2015, dahil ito ang naging tema ng kanyang pagbisita dito sa Pilipinas: “Mercy and Compassion”. Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita ngayon, na sa pamamagitan ng ating kapwang nangangailangan, binibigyan tayo ng Panginoon ng pagkakataon na maging mahabagin at mapagmalasakit sa iba. Huwag natin piliing maging manhid. Bagkus, maging sensitive tulad ni Hesus na Syang Mukha ng Awa ng ating Diyos Ama.  Amen.