Mapagpalang araw ng Biyernes, mga Kapanalig! Ngayong Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng ating Mahal na Maestrong Hesus/ na iayon ang ating buhay/ sa Kanyang kabanal-banalang puso. Halimbawa natin si San Casimiro, isang prinsipe na sa sahig natutulog. Kaunti lang ang tulog niya sa gabi/ dahil mas mahalaga sa kanya ang panalangin. Ito ang inyong kapanalig, Sr. Gemma Ria ng Daughters of St. Paul , ihanda na natin ang ating budhi sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata siyam , talata labing apat hanggang labing- lima.
EBANGHELYO: MATEO 9: 14-15
PAGNINILAY
Isang mahalagang disiplina ang sinasalamin ng pag-aayuno. Hindi lang ito isang palabras o papaimbabaw na kilos para makita ng iba na nagsasakripisyo ka. Para sa mga Hudyo, ang pag-aayuno ang panlabas na pagpapakita (external sign) ng panloob na hangarin (internal desire) at pagsisisi sa nagawang kasalanan para muling kalugdan ng Diyos. Layunin ng pag-aayuno ang pagkakaroon ng tapat na diwa, dalisay na puso at malinis na kalooban upang muling kasihan ng Diyos. Hindi isinasantabi ni Hesus ang halaga ng pag-aayuno, kundi itinutuwid niya ang layunin ng pag-aayuno. Hindi nito layunin na pahirapan lamang ang mga tao o ang maipakita sa kapwa tao na tapat sila sa pag-aayuno. Ano ang tunay na layunin ng pag-aayuno? Para makiisa sa pagpapakasakit na binata ni Hesus. Hangad natin na patawarin tayo sa pagkakamaling nagawa natin sa Kanya. Na muling kalugdan ng Diyos at muling pagpalain. Samakatwid, sinasabi ni Hesus sa mga tao, narito na ang Diyos! Kaisa na ng mga alagad, ano’t mag-aayuno pa? Pero, dagdag dito, sinabi rin ni Hesus na darating ang panahon na ang mga alagad mismo, mag-aayuno. May read between the lines ang binigkas ni Hesus. Nakikinita na Niyang darating ang panahon na malalayo Siya sa kanyang mga alagad. Magkakasala o magkakamali ang nakararami at hihingi sila ng tawad sa Diyos upang muli Siyang makiisa. Mga kapanalig, may mga panahon na kinakailangang ipaalala sa atin ang layunin ng ating mga ginagawa, lalo na sa ating buhay- pananampalataya. Hindi sapat na dahilan na ginagawa natin ang mga bagay-bagay sa ating buhay dahil sa nakikita o sinasabi ng ibang tao. Hindi tayo nabubuhay para sa sabi ng iba. Hindi. May mga panahon na ang pakiramdam natin napakalapit natin sa Diyos, di ba? May mga panahon din na lumalayo tayo sa Kanya. Pero siya pa rin ang unang sumusuyo. Ngayong Biyernes ng Kuwaresma, iwaglit muna natin ang mga bagay na kasiya-siya sa atin. Alalahanin natin na ang tuwirang layunin ng ating buhay ay ang palagiang pagbuo ng ating ugnayan sa Diyos. Diyos na nagmamahal at patuloy tayong pinapatawad.