Daughters of Saint Paul

Marso 5, 2017 Unang Linggo ng Kwaresma

 

Gen 2:7-9; 3:1-7 – Slm 51 – Rom 5:12-19 (o 5:12-19) – Mt 4:1-11

Mt 4:1-11

Dinala ng Espiritu si Jesus sa disyerto upang tuksuhin siya ng diyablo. Pagkatapos ng apatnapung araw at apatnapung gabing di kumain, nagutom si Jesus.

 Kaya lumapit sa kanya ang demonyo at sinabi:  “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.”  Ngunit sumagot si Jesus:  “Sinasabi ng Kasulatan: 'Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat namumutawi sa bibig ng Diyos.' ”

Dinala naman siya ng diyablo sa Banal na Lunsod, inilagay sa nakausling pader ng Templo, at sinabi:  “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon ka paibaba pagkat sinasabi ng Kasulatan : 'Uutusan ng Diyos ang kanyang mga anghel para sa iyo. Bubuhatin ka nila upang hindi matisod ang iyong paa sa bato.' ”  Sumagot si Jesus:  “Ngunit sinasabi rin ng Kasulatan: 'Huwag mong hamunin ang Panginoon mong Diyos.'”      

At agad na dinala ng diyablo si Jesus sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng bansa ng daigdig sampu ng kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi sa kanya: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin.”  Kaya sumagot si Jesus: “Lumayo ka, Satanas! Sinasabi nga ng Kasulatan: 'Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos; siya lamang ang iyong paglilingkuran.' ”

            Kaya iniwan siya ng diyablo at lumapit naman ang mga anghel at naglingkod sa kanya.

PAGNINILAY

Mga kapatid, kapansin-pansin sa Ebanghelyong narinig natin, na sinubok ng diyablo si Jesus sa panahong nanghihina Siya, matapos ang apatnapung gabi at araw na di Siya kumain.  Ganyan din manukso ang diyablo sa ating buhay.  Kumikilos ito sa panahong mahina tayo, nagigipit at walang makapitan.  Kung mahina ang ating espiritwal na panlaban, tiyak na magagapi tayo sa mapanlinlang na kilos ng demonyo na nag-aanyong mabuti.  Pero sa Ebanghelyo ngayon, naging matagumpay si Jesus na labanan ang tukso ng diyablo.  Nakatulong ng malaki ang Kanyang pagdarasal sa Ama at pag-ayuno. Sa Kanyang pananatili sa disyerto, doon Niya lubos na nakilala ang Diyos na Kanyang Ama – na iba sa mga huwad na diyos na pilit na ipinakikilala ng mundo sa kapangyarihan, yaman at kababalaghan.  Dinala si Jesus ng Espiritu sa disyerto at doon nangusap ang Ama sa Kanyang puso. Manalangin tayo.  Panginoon, palakasin Mo po ang aking espiritwal na panlaban sa mga tuksong dumarating sa aking buhay.  Amen.