Daughters of Saint Paul

MARSO 5, 2020 – HUWEBES SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mateo 7:7-12

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Humingi kayo at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya. “Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto n’yong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Lord, matapos na sana ang problema ko. Gumaling na sana ang maysakit kong anak. Lord, magkaroon sana ako ng girlfriend/boyfriend… Manalo sana ako sa lotto, Lord, Lord, Lord. … Lord dinggin mo ang aking panalangin… Kapag nagdadasal tayo, malimit, may kahilingan tayo sa Diyos. Masama ba? Hindi… sa totoo lang, gusto pa nga ng Diyos na humiling tayo sa kanya. At kahit hindi natin sabihin ang ating mga hiling,  alam na ito ng Diyos. Yun nga lang, iba pa rin kasi kapag sinasabi. Inilalapit tayo ng Diyos sa Panalangin. Ano kaya ang mangyayari kapag wala nang hiling-hiling??? Hmmmmm… baka hintay-biyaya, walang ginagawa at bandang huli mapalayo sa kanya. Delikado ito. Kasi pwedeng maging hudyat na hindi na ako luluhod upang magdasal, hindi na magsisimba, hindi na magsasakripisyo, hindi na maglalambing.”  Mga kapatid, isa sa mga sangkap ng panalangin, maliban sa pagbibigay papuri at pasasalamat, paghihingi ng kapatawaran ay ang paghiling. Gusto ng Diyos na mapalapit tayo sa kanya; at sa bawat paglapit ay ang biyaya. Biyaya na higit pa sa gamit at pagkain. Biyaya ng isang relasyong nag-aalab, ng isang anak sa kanyang amang Diyos.  At pakatandaan, ang Diyos ay sumasagot sa bawat dasal: maaaring YES, WAIT AND NO… Take note, ang NO ay sagot din (na ang ibig sabihin ay hindi ito kalooban ng Diyos). Ayaw lang ng Diyos na tayo’y mapalayo at mapariwara. 

PANALANGIN:

Panginoon, may mga pagkakataon na ako’y litong lito; at dahil dito ako ay humihiling sa iyo: buksan ang aking isip na maunawaan ang mga pangyayari lalong lalo na kapag hindi ito naaayon sa iyong kalooban. Amen!