Daughters of Saint Paul

MARSO 5, 2021 – BIYERNES SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mt 21:33-43, 45-46

Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: “Makinig kayo sa isa pang halimbawa; May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong subalit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” ‘Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon. Pupuksain n’ya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.’” At sumagot si Jesus: “Hindi n’yo ba nabasa sa kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.” Nang marinig ng mga Punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, nauunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Jesus. Huhulihin na sana nila s’ya, ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang Propeta.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Amelia Batoctoy ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang mabuting balitang narinig natin ay tungkol sa masamang pag-uugali ng mga katiwala ng isang May-ari ng ubasan. May masama silang balak, at gusto nilang sila na ang mag may-ari ng ubasan, kayat pinatay nila ang taga pagmana.  Mga kapatid, tayo rin ay katulad ng mga katiwala kung nakakalimot tayong magpasalamat sa mga biyaya ng Diyos sa ating buhay.  Ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos ay dapat nating payabungin upang magbunga ng kabutihan at kababaang-loob.   May mga pagkakataon na pinag wawalang bahala natin o nakakalimutan, na ang lahat ng mga biyayang tinatamasa natin ay pawang kaloob ng Diyos na dapat nating ipagpasalamat. (Mahal tayo ng Diyos kahit ano o sino pa tayo!  Suklian nawa natin ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan sa kapwa, lalo’t higit sa mga nangangailangan. 

PANALANGIN

Panginoon, turuan mo po akong maging tapat na katiwala ng mga biyayang minarapat Mong aking pangasiwaan.  Biyayaan mo po ako ng kababaang-loob upang maipadama ko ang iyong pag-ibig. Amen.