Daughters of Saint Paul

MARSO 6, 2021 – SABADO SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Lk 15:1-3, 11-32

Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas, “Tinatanggap n’ya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay n’yo na sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang mga ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon n’ya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ‘yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya’t pumunta s’ya at namasukan sa isang taga-roon at inutusan s’yang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana n’yang punuin kahit na ng kaning baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon s’ya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo, ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa s’ya ng matanaw ng kanyang ama at naawa ito. Patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo, hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin n’yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya. Suotan nyo ng singsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya. Kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na s’ya at malapit na sa bahay, narinig n’ya ang tugtugan at sayawan. Tinawag n’ya ang isa sa mga utusan at tinanong sa kanya. ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi n’ya s’yang buhay at di naano.’ Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Datapuwat sumagot sa kanyang ama, ‘Ilang taon na akong naglilingkod sa ‘yo na di lumalabang sa iyong mga utos at kailan man ay hindi mo ako binigyan ng kahit na isang maliit na kambing na ipagkakatuwa namin ng aking mga kaibigan. Datapuwa’t ng dumating ang anak mong ito na naglustay ng iyong kayamanan sa masasamang babae, pinatay mo ang pinatabang baka.’ Ngunit sinabi sa kanya ng ama, ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya tayo dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.’”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Nina Lorilla ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (“Gayunman nararapat na tayo’y magpiging at magsaya, sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay at muling nabuhay, nawala at siya’y natagpuan”… sa mga salitang ito nagtapos ang parabola ni Hesus na kanya namang pinatungkol sa mga kumukuwestyon sa pagtanggap at pakikisalo niya sa mga makasalanan. Hindi matanggap tanggap ng mga Pariseo at Eskriba ang mga kilos na ito ni Hesus, marahil dahil iba ang pagkakilala nila sa Diyos Ama na kanilang sinasamba.) Sa mga pagtuturo at pagsasabuhay ni Hesus, ipinapakilala niya ang kanyang Ama sa langit na mapagmahal, mahabagin at maunawain na handang tumanggap ng buong-puso at walang kundisyon sa mga makasalanang gustong manumbalik sa kanya. Tayo kaya, mga kapatid, anong image ng Diyos meron tayo? Siya ba ay isang Punisher na walang pusong papataw ng kaparusahan kapag tayo’y nagkakasala? O di kaya ay isang Ama na unlimited at unconditional ang pagmamahal, habag at awa sa kabila ng ating pagiging marupok? Mga kapatid, nawa sa Panahong ito ng Kwaresma, mas lalo pa nating mapalalim ang pagkakakilala sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap at pagbibigay ng pagkakaton sa ating mga kapatid na “patay na pero nabuhay, nawala ngunit natagpuan”. Magalak tayo para sa kanila dahil ikinagagalak ng Diyos ang kanilang pagbabalik-loob.