Daughters of Saint Paul

MARSO 6, 2024 –  Miyerkules sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma

EBANGHELYO: Mateo 5:17-19

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Gemma Ria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Very blessed nga ang mga alagad, dahil sa kanila unang ni-reveal ng ating Hesus Maestro, na Siya ang katuparan ng lahat ng sinasaad at nilalaman ng Lumang Tipan. Sinabi Niya na naparito Siya para ipaliwanag, at maging ganap ang Kautusan at mga Aral ng mga Propeta. Ano nga ba ang mga Kautusan at ang mga Aral ng mga Propeta? Ito ay nakadisensyo para pukawin at ipatupad, ang pagmamahal sa Diyos at sa Kapwa. Pag-ibig ang buod ng lahat ng ito, at ang ating Hesus Maestro, ang exemplary human form ng Pag-ibig. Nangaral Siya na sundin ang Kautusan, habang tumatalima Siya sa Kanyang itinuturo. Tapat Siya sa kautusang moral, at tinupad Niya ang kautusang seremonyal, sa pamamagitan ng pag-aalay ng Sarili sa Krus. Hindi ito nalalayo sa Konstitusyon ng ating Bansa, na laman ang mga panuntunan na maka-Diyos, makaPilipino, maka-Tao, makadukha. Magiging ulirang Pilipino tayo, kung maisasabuhay natin ito. Napakahalaga, di ba? Ayon nga sa Catholic Bishops Conference of the Philippines, sana saliksikin nang husto, mapag-usapan, na nakaugat sa karunungan ng Diyos, at discern well, kung nauukol nga ba sa tunay na kabutihan ng bayan at ng lahat ng Pilipino, ang pino-promote na “lagda system” ng People’s Initiative para sa Charter change. Totoo na mga Kautusan at Aral ng mga Propeta, hindi ito binago ng ating Panginoon, kundi pinataas ang antas. Sa paano’ng paraan?  Inako Niya ang batas, isinabuhay at nag-alay ng sarili. Sana tayo rin. Lahat ng ating motibo, ukol sa ikabubuti ng ating bansa, na nakaugat sa halimbawa ng ating Panginoon.  Nang sa gayon, mabibigyan natin ang Saligang Batas ng panibagong mukha. Ito ang mukha ng mga buhay na saksi ng tunay na makaDiyos, at totoong nag-aalay ng sarili para sa lahat.