Ebanghelyo: Luke 9:22-25
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw. Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”
Pagninilay:
Ayon kay Fr. Francis Marino, Tagapagtatag ng Komunidad ng Anawim, kasama ang araw na ito, bukas at makalawa sa “Ashen Triduum,” – panahon upang manatili at bigyang-kahulugan ang ating pagpapatuloy sa paglalakbay ngayong Kwaresma. Pagtutuunan ng pansin ang mahalagang pananatili sa harap ng Diyos, pananahimik, paglalaan ng oras sa panalangin at pagmumuni-muni ayon sa paraan ng paghahanda ni Jesus para sa sarili niyang “apatnapung araw” sa ilang.
Tahasang sinabi ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon, “Ang Anak ng Tao’y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” Hindi madali ang tunay na pagkadisipulo o ang pagsunod kay Jesus. May kaakibat itong sakripisyo, pagyakap sa mga hamon, at paghihirap.Kasama rito ang pagsuko ng ating sariling mga hangarin at mga prayoridad upang makamtan ang tunay na katuparan at mas malalim na kahulugan ng buhay sa piling ng Panginoon.
Kahapon, Miyerkoles ng Abo, nagtanong si Father, “ano kaya ang maaari nating i-give up ngayong panahon ng Kwaresma upang mas mapaglaanan ng mas maraming oras ang panalangin bilang pamilya? Upang palayain ang ating mga sarili sa anumang mga attachments o hadlang sa pagitan natin at ng pagmamahal ng Diyos? at upang lalong maging bukas-palad tayo sa pagbibigay sa mga mahihirap at nangangailangan?” Biglang sumigaw ang isang batang maliit, “Selpon po, Pader!” Napangiti kami, pati si Father. Kapanalig, may katwiran po ang bata. Batid po ninyo kung ano talaga ang mga hadlang upang maisabuhay n’yo ang mga hamon ng panahon ng Kwaresma: panalangin, pag-aayuno, paglilimos. Nawa’y huwag nating sayangin ang mabiyayang panahong handog ng Panginoon upang tayo’y magsisi sa ating mga kasalanan, magbalik-loob, at magsikap na gumawa ng mabuti araw-araw. Samantalahin natin ang mga pagkakataong makapagkumpisal sa ating parokya. Hayaang akayin tayo ng Panginoon sa Kanyang inilaang pagpapala para sa atin. Kay Jesus, tayo’y may pag-asa!