Daughters of Saint Paul

MARSO 7, 2022 – LUNES SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

Mapagpalang araw ng Lunes mga kapanalig. Maniwala at magtiwala sa pagpapala na isinisinag sa atin ng ating Diyos! Kay sarap langhapin ang diwa ng Kuwaresma. Lalo na kung iuugat natin ito sa Mabuting Balita ng ating Mahal na Hesus Maestro, at  sa tulong ng panalangin ng dalawang martir na si Santa Perpetua at Santa Felicidad.  Ito ang inyong kapanalig, Sr. Gemma Ria ng Daughters of St. Paul. Pag-isahin na natin ang ating puso at diwa sa pakikinig ng Mabuting Balita, ayon kay San Mateo, kabanata dalawampu’t lima, talata tatlumpu’t isa hanggang apatnapu’t anim.   

EBANGHELYO: MATEO 25:31 – 46

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono.  Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao.  Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya:  ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig.  Sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako.  Nang may sakit ako, binisita ninyo ako.  Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’ At itatanong sa kanya ng mabubuti; ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’  Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo:  anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’ Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya:  ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito. Sapagkat nagutom ako at di ninyo ako binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo ako pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’ Kaya itatanong din nila:  ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, may sakit o nakabilanggo at di namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari:  ‘Talagang sinasabi ko sa inyo, anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’ At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”

PAGNINILAY

Si Cleric Buen ng Society of Saint Paul, nagkuwento siya. Noon daw nagtuturo pa siya, pinalad daw siyang maging Pastoral Minister o outreach coordinator ng kanilang school. Isang umaga, may exchange student na mula sa ibang bansa na lumapit sa kanya habang nagdarasal siya sa loob ng Chapel.  Tinanong siya: “Sir, bakit ka nagdadasal sa isang taong nakapako sa Krus?” Naunawaan niya ang  pinanggagalingan ng foreigner student. Dahil unang beses itong makapasok sa isang katolikong simbahan.  Napangiti raw siya. Nasabi niya sa kanyang sarili, “pagkakataon ko na ito para maipakilala si Hesus sa kanya”. At ginawa nga niyang ipaliwanag ang pananampalatayang Kristiyano sa simpleng paraan. Sa paano man, naunawaan naman ng istudyante kung sino ang nakapako sa Krus. Si Hesus, ang Anak ng Diyos. Ang kuwento pa nga niya, pareho silang masaya na nag-part ways. May pag-asa raw kay Cleric Buen  na  simula iyon ng pagtuklas ng kanyang bagong mag-aaral kung sino si Hesus. Kaya, mula sa unang pagtatanong, nasundan pa ang kanilang mga pag-uusap tungol kay Hesus. Nasabi pa raw niya na  hindi lang sa Krus nakikita si Hesus. Inanyayahan  niya rin siyang makita si Hesus sa mukha ng kanyang mga kaibigan. Ganundin ang mukha ni Kristo sa kapaligiran. Nagkaroon din siya ng chance na isama ang istudyante sa isang pagtuturo sa mga batang lansangan, at sa malapit sa dagat. May pagkakataon din na isinama niya siya sa  isang bahay-ampunan. Sumama rin siya sa   isang tahanan para sa mga matatanda. Nagkaroon din sila ng pakikipag-usap sa mga nasa bilangguan at gayun din sa mga may sakit sa ospital. Sa lahat ng ito,  sa lahat sa kanila, naroon si Hesus. Nababakas ang mukha ni Hesus. Higit pa sa larawang nakapako siya sa Krus. Makalipas ang dalawang linggo, nagkita muli sila. Sinabi ng exchange student: “Sir, Salamat sa pagpapakilala sa akin kay Hesus.” Tumugon naman si Cleric Buen, “Tumingin ka rin sa salamin. Dalangin ko na makita mo rin si Hesus sa iyo.