Daughters of Saint Paul

MARSO 8, 2018 HUWEBES SA IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

LUCAS 11:14-23

Minsa'y nagpapalayas si Jesus ng isang demonyo at ito'y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsasalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang Kaharian? Hindi nga ba't sinasabi n'yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng iyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung may sandatang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.” 

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, nasa gitna si Jesus ng isang kontrobersiya.  Inaakusahan Siya na nakapagpapagaling sa pamamagitan ni Beelzebul.  Pero  makatwiran ang sagot ni Jesus sa kanila:  walang kahariang nahahati ang maaaring magtagumpay.  Dahil masama ang layunin ni Beelzebul, hindi maaaring mabuti ang maging bunga nito.  Kaya naman, dahil mabuti ang bunga ng ginagawa ni Jesus, tiyak na mula ito sa Diyos na mabuti.  Mga kapanalig, lahat na mabubuting ginagawa natin, nagmumula lahat sa Diyos.  Hindi tayo makagagawa ng anumang kabutihan sa ganang atin lang, kung hindi tayo tinutulungan ng Diyos.  Kaya sa tuwing nakagagawa tayo ng anumang kabutihan, lagi natin Siyang pasalamatan.  Huwag nating aangkinin ang papuri at parangal na nararapat sa Kanya, at lagi nating kilalanin na kung wala ang Diyos, hindi natin magagawa ang mabuting nagawa natin.  Manalangin tayo.  Panginoon, turuan Mo po akong maging mababang-loob nang lagi kitang kilalanin bilang pinagmulan ng lahat ng mabubuting pinahintulutan Mong magawa ko.  Patuloy Mo po akong gamitin ayon Sa’yong layunin, at mapapurihan ka sa mga katangiang ipinahiram Mo lamang sa akin.  Amen.