Daughters of Saint Paul

MARSO 8, 2020 – IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mateo 17:1-9

Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias. Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang Aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.” Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.

PAGNINILAY:

(Isinulat ni Seminarian Enzo Bandillon, 2ndyear regent ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Walang luwalhati kung walang paghihirap. Ito ang mensaheng nais iparating sa atin ng pagbabagong anyo ni Hesus sa bundok ng Tabor. Sa ating paglalakbay sa daigdig na ito, dumarating sa atin ang maraming pagsubok, mga hirap, at hamon ng buhay. Panawagan ito sa atin na pasanin ang ating krus bilang pakikibahagi sa krus ni Kristo, upang makasalo din tayo sa luwalhating Kanyang tinamo.   Ang pagpasan ng ating krus nang may pagmamahal ang magdadala sa atin tungo sa pagkatuto ng sa gayon lumalim ang ating pananampalataya, pag-ibig at ugnayan sa Diyos. Sa mundo na ang lahat, gusto ng mas mabilis at madali: instant soup, instant ulam, instant noodles, at mas nagiging mas mapusok na ang mga kabataan – patuloy ang panawagan ng mabuting balita na harapin ang hamon at krus ng buhay nang may pagmamahal at pagtitiis upang matamo ang naghihintay na biyaya. Good things come for those who wait!   Hindi kailangan madaliin at magshortcut. Harapin at huwag takasan ang hamon ng buhay at ang kabuuan ng luwalhati ay naghihintay.