EBANGHELYO: Lk 4:24-30
Pagdating ni Jesus sa Nazaret, sinabi niya sa lahat ng nasa sinagoga: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming biyuda noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa biyuda ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinakatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Lulu Pechuela, ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. Kapatid, naranasan mo na bang ma-“reject?” Napakapait ang karanasang tanggihan. Fresh from my college graduation, armed with my diploma, my transcript of records, civil service eligibilities at medals of accomplishment, nag-apply ako ng trabaho sa isang government banking institution. Pero sa aking pagtataka, ni hindi ako binigyan ng exams at matapos basahin ang aking application form, walang pakundangang sinabi sa akin na “kailangang may rekomendasyon ka mula sa isang congressman o senador. Hindi mahalaga ang alam mo, ang importante, ay kung sino ang kilala mo.” Nanginginig ako nang umalis sa opisinang yun. Grabe ang sama ng loob ko. Hindi mahalaga ang kaalaman ko? Bakit pa ako nagpapakahusay sa pag-aaral at kumukuha ng mga eligibilities kung ganun din lang pala? Mga kapatid, kung nasaktan ako nang labis sa karanasang iyon, paano pa kaya ang kalungkutan ng Panginoong Jesus noong tinanggihan siya ng mga kababayan niya, dahil lamang sa siya ay anak ni Maria at ni Jose, na doon lumaki sa lugar na iyon? Sa isip ng mga kababayan niya, ordinaryong tao siyang laki sa Nazareth…walang espesyal tungkol sa kanya.
PANALANGIN
Panginoon, pag-tibayin mo po ang aming pananampalataya. Huwag mo po kaming pabayaang matukso na tanggihan ka at ang mga turo mo, dahil mas malakas makabighani ang tawag ng mundo. Above all, please help us to see the extraordinary in the ordinary things of life, AMEN.