Mapagpalang araw ng Martes, mga kapanalig. Purihin ang Diyos sa handog Niyang panibagong araw, panibagong pahayag ng kaligtasan, at panibagong buhay. Banal ang ating Mahal na Hesus Maestro at loob Niya maging tulad tayo sa Kanya. Ito ang inyong kapanalig, Sr. Gemma Ria ng Daughters of St. Paul. Palalimin natin an gating pananampalataya sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata anim, talata pito hanggang labing lima.
EBANGHELYO: MATEO 6: 7-15
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, ang panalanging itinuro ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad, pagpapahayag ito ng pag-ampon ng Diyos sa lahat bilang Kanyang mga anak. Ipinakilala din dito ng Panginoon, ang Ama na puno ng pagmamahal, maunawain, at mahabagin sa mga nananampalataya sa Kanya. Isa Siyang Ama na alam ang mga pangangailangan ng Kanyang mga anak, mapagpatawad, at nagnanais na maging ganap at wasto ang pakikipag-ugnayan sa bawat isa. Buong pusong tinangkilik ng mga alagad ni Jesus ang panalangin, dahil bukod sa kabuuan ito ng kanilang pang-araw-araw na kahilingan, nakita nila mismo sa pagkatao ni Jesus ang katangian ng Diyos Ama. Mga kapanalig, ngayong panahon ng Kuwaresma, habang taimtim tayong nananalangin, panibaguhin natin ang ating pakikipag-ugnayan sa ating Diyos Ama. Patunayan natin na karapatdapat tayong mga anak sa isip, sa salita at sa gawa. Mithiin din natin na lalong lumalim ang ating pananampalataya sa Kanya at lalong maging maalab at maging kaaya-aya ang pakikipag-ugnayan natin sa ating mga kapatid sa pananampalataya. Hilingin din natin ang biyayang matuto tayong magpatawad sa mga taong nagkasala sa atin, nang tayo din naman Kanyang patawarin sa ating mga kasalanan.
PANALANGIN
Panginoon, hangad ko pong lumalim ang aking pananampalataya at pagkakakilala Sa’yo. Turuan Mo po akong dasalin ang panalangin na Ama Namin nang taimtim at nagmumula sa puso. Inaangkin ko po ang bawat kataga ng dasal na ito. Panginoon, dinggin Mo po ang aking taos-pusong pagsamo. Amen.