Daughters of Saint Paul

MARSO 8, 2024 –  Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma

EBANGHELYO: Marcos 12:28-34

May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng mga batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarilui ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  “Ibigin mo ang Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.” Madaling sabihin pero mahirap gawin. Kasi paano nga ba magmahal ng buong puso, isip at lakas. Bakit napakahirap para sa karamihan sa atin ang gawin ito, samantalang buo naman, at kahit sa umpisa ay minahal na tayo ng Diyos. Hindi natin maitatanggi na may kanya-kanya tayong karanasan sa buhay, lalo’t masasakit o sanhi ng pagkadurog ng ating puso at pagkatao, na sa kalaunan, nawawalan tayo ng pag-asa at paniniwala, sa walang hanggang pagmamahal ng Diyos. At dahil sa mga karanasang ito, nakakalimutan natin ang sukdulang ginawa ng Diyos, dahil sa sobrang pagmamahal niya sa atin. Kaya nga, kung hindi natin maibabalik ang pananampalataya sa pagmamahal ng Diyos, mahirap ding mahalin ang ating kapwa at sarili. Hindi rin ibig sabihin na kailangang buo, at wala na tayong peklat ng mga sugat ng mga masasakit na karanasan sa buhay. Kapatid, kung iisipin, walang mahirap gawin kung ibabalik natin ang lubos na pananampalataya sa Diyos na tanging makakapagpabago ng ating puso, kahit tumigas na ito — buksan at hayaang gumalaw ang grasya ng Espiritu Santo, para muli tayong mabuo, at maging bukas sa pagmamahal – sa Diyos, sa ating kapwa at sa ating sarili. Sa panahong ito ng kuwaresma, isa ito sa hilingin natin sa mapagmahal nating Diyos. 

PANALANGIN

Panginoong Hesus, hilumin po Ninyo ang mga sugat at sakit na nagiging hadlang sa aming magmahal ng lubos. Sa aming pagninilay sa hirap na dinanas mo para sa amin — wag po sana naming sayangin ang pagkakataong, mabuksan muli ang aming puso, nang sa gayon ay maging bukas kami na mahalin ka, at ang aming kapwa. Amen.