Daughters of Saint Paul

MARSO 9, 2018 BIYERNES SA IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

MARCOS 12:28-34

May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus: “Ito ang una: 'Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng mga batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.

PAGNINILAY:

Sa pang-araw-araw nating buhay, paano ba tayo nakatutugon sa unang utos ng Diyos na mahalin Siya nang buo nating puso, nang buo nating kaluluwa, nang buo nating pag-iisip at lakas?  Aminin natin, na madalas nabibigo tayong sundin ang pangunahing utos na ito ng Diyos.  Dahil pagkagising pa lang sa umaga marami na tayong pinagkakaabalahan.  Nandidiyan ang pag-asikaso sa mga bata na papasok sa eskwela, sa asawa na papasok sa trabaho, sa paghabilin sa kasambahay ng mga gawain sa bahay at marami pang ibang alalahanin.  At kung tayo’y mga working mom’s na papasok din sa opisina, mas challenging ang buhay natin, dahil doble o triple pa ang kinakaharap nating responsibidad.  Pero ang lahat ng ito’y bahagi ng buhay, at ng bokasyon ng pag-aasawang pinili natin.  Ang tanong, sa gitna ng mga pinagkakaabalahang ito, may puwang pa ba ang Diyos sa ating buhay?  Nakapaglalaan pa ba tayo ng panahon para manalangin at magpasalamat sa Kanya sa mga mumunti at malaking biyayang tinatanggap natin sa araw-araw?  Mga kapanalig, ang hinihingi ng unang utos na mahalin ang Diyos nang buo nating puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas – hindi nangangahulugan na iiwan natin ang ating mga pinagkakaabalahan, para magdasal tayo maghapon.  Mali po.  Maaari natin itong gawin, sa pamamagitan ng mga paglilingkod na ginagawa natin sa ating pamilya, mga mahal sa buhay, at maging sa ating trabaho sa opisina.  Gampanan natin ang ating mga tungkulin  nang buong katapatan at pagmamahal.  Lakipan natin ito ng mabuting intensiyon.  At habang tinutupad natin ang ating mga tungkulin, gawin natin itong paraan ng pagdarasal at pag-aalay sa Diyos ng buo nating puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas – bilang pagpapahayag ng ating pagmamahal sa Kanya.