EBANGHELYO: Lucas 6:36-38
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. “Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y bibigyan -isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
PAGNINILAY:
Mga kapatid, punong-puno ng katuruan sa pagpapakabuti ang Ebanghelyong narinig natin. Taglay nito ang mga babala na magpapatibay sa mga disiplinang sinusunod natin ngayong panahon ng Kuwaresma: ang pagdarasal, pag-aayuno at paglilimos. Pero mas binigyang-diin sa pagbasa ngayon ang paglilimos at pagkakawanggawa. Pinapaalalahanan tayo na ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa’y laging magkasama, at hindi maaaring paghiwalayin. Paulit-ulit itong itinuturo ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo. Laging iniuugnay ng Panginoon ang mga kabutihang nagawa natin sa kapwa, sa kabutihang tinanggap natin sa Diyos. Kung marami tayong tinanggap na biyaya at pagpapala sa Diyos, dapat lamang na ibahagi natin ito sa iba. Ang bawat pagtulong at pagpapatawad na ibinibigay natin sa kapwa, may multiplier effectsa iba. Naeenganyo din silang suklian ng kabutihan, ang bawat kabutihan, pagmamalasakit at pagpapatawad na kanilang tinanggap. Di ba’t napakagandang isipin na nagiging kasangkapan tayo ng Diyos sa pagsiwalat ng Kanyang kabutiha’t pagmamahal? Kung nagagawa natin ito sa maliliit o malalaking paraan man, natutularan natin ang Diyos. Mga kapatid, kung pahihintulutan lamang natin ang Banal na Espiritu ng Diyos na manahan sa ating puso’t kamalayan – mananaig ang kabutihan ng Diyos sa atin. Samantalang kung isasara natin ang ating puso sa mahiwagang pagkilos ng Diyos – mananaig ang poot, paghihiganti at kasamaan sa ating buhay. Ngipin sa ngipin at mata sa mata ang susundin nating panuntunan kapag may kagalit tayo. At kapag hinayaan nating kainin tayo ng mga negatibong emosyong ito, magiging miserable at napakalungkot ng ating buhay. Kung sa halip na pagpapatawad, susuklian natin ng kasamaan ang bawat kasamaang nagawa sa atin – mananatili tayong namumuhay sa karimlan ng kasalanan.
PANALANGIN:
Panginoon, turuan Mo po akong magpatawad. Huwag ko nawang suklian ng isa pang kasamaan, ang kasamaang ginawa sa akin. Idinadalangin ko po ang pagbabagong-puso ng mga taong nakasakit sa aking damdamin. Amen.