EBANGHELYO: Mt 18:21-35
Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Hindi! Hindi pitong beses kundi pitongput pitong beses. “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw: ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Ipinatawag ng Panginoon ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang kanyang utang.” “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ang bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. VG Gungon ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Mahirap patawarin ang isang taong nagkasala sa atin. Ika nga ng kasabihan, “I can forgive but I cannot forget.” Noong nagmisyon ako sa aming paaralan sa Cavite, nasaksihan ko ang kuwento ng isang Grade VI student, 12 years old, na dumanas ng hirap matapos silang iwanan ng kanilang ama, na sumama sa ibang babae. Sobrang hirap ang dinanas ng kanyang ina, para maitaguyod silang tatlong magkakapatid. Sa awa ng Diyos at sa sama-samang pagsusumikap, nakahaon sila sa buhay at naging mga propesyonal. Masaya nilang tinatamasa ang tagumpay, pero tila ba may kulang silang nararamdaman – ang kanilang ama. Hinanap nila ito, at natagpuang maysakit at mag-isa sa buhay. Kinuha niya ang kanyang ama, ipinagamot at itinira sa maayos na bahay. Nang umalis siya ng bansa para sa business transaction pumanaw ang kanyang ama. Pero maluwag ang kalooban na pintawad niya ang kanyang ama bago ito malagutan ng hininga. Kapatid, ang pagpapatawad ay nakakalubag ng damdamin. Lahat tayo’y nagkakasala, pero pinatatawad tayo ng Diyos. Kaya hinahamon din tayo na magpatawad sa mga nagkasala sa atin.
PANALANGIN
Diyos Amang Makapangyarihan, patawarin mo kaming makasalanan at tulungan mo kaming magpatawad sa mga nagkasala sa amin nang may pagpapakumbaba. Amen.