Daughters of Saint Paul

MARSO 9, 2022 – MIYERKULES SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

Mapayapang araw ng Miyerkules, mga kapanalig. Tanggapin natin ang biyaya ng Diyos Ama na dumaratal sa atin ngayon. Ngayong Kuwaresma, may hinihingi ka ba na tanda?  Tanda para maniwala?  Ito ang inyong kapanalig, Sr. Gemma Ria ng Daughters of St. Paul, salubungin natin  ang handog sa atin na Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labing isa, talata dalawamput siyam hanggang tatlumpu’t dalawa.  

EBANGHELYO: LUCAS 11: 29-32

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Hesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating s’ya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, napapanahon ang mensahe sa atin ng Mabuting Balita ngayon.  Hindi kaila sa’tin na marami ang humihingi ng palatandaan hindi lang sa Diyos, kundi, maging sa mga manghuhula.  Dahil wala tayong ideya kung ano ang mangyayari sa hinaharap – sumasangguni tayo sa mga manghuhula kung ano ang ating magiging kapalaran.  Tuloy, dumadalas na ang pagpapahula natin dahil paniwalang-paniwala tayo sa kanilang nakikitang bukas.  Ito ang konteksto kung bakit sinabi ng Panginoon, na masamang lahi ito dahil humihingi ng palatandaan.  Ayon sa turo ng Katesismo ng Katolikong Kristiyano bilang 2116: “Lahat ng uri ng panghuhula, dapat itakwil: katulad ng paghingi ng tulong kay satanas, pagtawag sa kaluluwa ng mga namatay na, at iba pang gawaing tulad nito na nanghuhula ng kinabukasan.  Kabilang din dito ang pagkonsulta sa horoscopeastrology, palm reading, pag-interpreta ng masamang pangitain o suwerte, at iba pa. Pinabubulaanan ng gawaing ito ang kapurihan, karangalan at banal na takot na tanging sa Diyos lamang natin dapat ilaan.” Mga kapanalig, hawak ng Diyos ang ating buhay, maging ang ating kapalaran at kinabukasan.  Siyang may likha sa atin ang may ganap na kontrol sa ating buhay at nalalaman Niya kung ano ang makabubuti sa atin.  Kaya sa Kanya natin ibigay ang ating lubos na pagtitiwala at pag-asa, at huwag sa mga manghuhula. Hula nga eh, malamang na hindi totoo. 

PANALANGIN

Panginoon, patawarin Mo po ako sa mga pagkakataong nagkulang ako ng pagtitiwala Sa’yo at himingi din ng tanda mula sa iba. Matanto ko nawa na Kayo po ang Salita ng Diyos, ang tanda ng buhay na presensya ng Diyos. Amen.