Daughters of Saint Paul

MARSO 1, 2022 – MARTES SA IKAWALONG LINGGO NG TAON

Isang pinagpalang araw mga kapanalig! …na masugid na tagapakinig at mga texters.  Dakilain natin ang Diyos!  Tanggapin natin ang kaloob Niyang panibagong pagkakataon upang pagnilayan ang Kanyang Salita.   Unang araw ngayon ng Marso kaya batiin natin ang mga nagbi-birthday ngayon ng Happy Birthday . Ipagdasal natin sila bilang  birthday celebrators sa buong buwan ng Marso.  Araw-araw inaanyayahan tayo ng Panginoon na sumunod sa Kanya at iayon ang ating buhay sa Kanyang mahal na kalooban.  Ito ang inyong kapanalig, Sr. Gemma Ria ng Daughters of St. Paul ,nag-aanyayang ihanda na natin ang puso at isip sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata sampu, talata dalawampu’t walo hanggang tatlumpu’t isa.

EBANGHELYO: MARCOS 10: 28-31

Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa iyo.” Sinabi ni Hesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit n’ya ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

PAGNINILAY

PAGMAMAHAL ang susi sa anumang makahulugan na pagsasakripisyo! Pagmamahal hindi lamang sa ating pamilya, o sa mga taong malapit sa ating puso ang magandang pagninilayan natin ngayon. Ipina-alaala sa atin ng ating Mahal na Diyos ang kanyang dulot na kaligtasan.   Patuloy nating nasasaksihan ang pagtutulungan, pagbibigayan o pagiging bukas-palad para sa ating mga kapatid na nangangailangan. Mapapatunayan natin ang lalim ng pagmamahal na ito kung hindi lang ito hanggang salita lang.  Maraming relasyon ang nagsimula sa pagpapalitan ng I LOVE YOU pero ang nakalulungkot hindi naman handang magbigay ng sarili.  Kung minsan madaling sabihin pero kay hirap nga namang patunayan. Gaano ka nga ba katotoo? Hanggang saan? Hanggang kailan? Sa pagmamahal, mas mahalaga handa natin itong patunayan, at alam natin kung ano ang kaya nating isakripisyo. Narinig natin sa Mabuting Balita ang pahayag ni Pedro, “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa Iyo.”  Teka, pagnilayan natin, di kaya marami ring pagkakataon na tulad tayo ni Pedro? May hinahanap ding kapalit sa ibinibigay. O agad-agad, gustong may nasisilip na bunga ang mga pinaghihirapan. Pero sa konteksto ng Diyos, tinuturuan Niya tayong magtiwala, manampalataya at umasang kailanman, hindi niya tayo pababayaan. Ipagkatiwala natin sa Kanya. Maniwala rin tayo na sa kabila ng ating paghihirap at pagpapakasakit, kung iaalay natin para sa mas ikadadakila ng Diyos—mas nagiging makabuluhan ang ating buhay. Kaya nga’t kung sa tanong na hanggang saan, hanggang kailan tayo mamahalin ng Diyos? Sapat na ang tumitig tayong muli sa Krus. Ang Diyos na nakabayubay sa Krus ang nagsasabing, “Hanggang sa kamatayan, mahal kita.” Hanggang sa buhay na aking ipinangako, mahal pa rin kita.  Mahalaga ring tanungin natin ang ating sarili. Hanggang saan? Hanggang kailan natin mamahalin ang Diyos? Handa rin ba tayong mag-alay ng ating sarili para sa Kanya? O di kaya, para sa ating Inang Bayan, ano ang   puwede nating maiambag para maibsan ang paghihirap at pagdurusa ng mga kapatid natin sa ating lipunan.

PANALANGIN

Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataon na hindi naging lubos ang pagsunod ko Sa’yo, sa mga panahong ayaw kong magbata ng hirap, umiiwas sa sakripisyo at dagdag responsibilidad, at sa mga pagkakataong nagreklamo ako sa gitna ng pagsubok.  Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya, nang matutunan kong pasanin ang aking krus at sumunod Sa’yo nang may walang hanggang pagmamahal.  Amen.