EBANGHELYO: MATEO 13:54-58
Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
PAGNINILAY:
Narinig natin sa Ebanghelyo na hindi lubos na makapaniwala ang mga kababayan ni Jesus sa kanilang nasaksihan. Namangha sila sa Kanyang karunungan at galing magsalita at sa Kanyang natatanging kapangyarihan. Sa halip na matuwa sila at magdiwang dahil may kababayan silang katulad ni Jesus, naging palaisipan Siya sa kanila; pinagdudahan ang Kanyang kakayahan, hinamak at hindi nila Siya pinaniwalaan. Ilan ba sa atin ang may ugaling katulad ng mga kababayan ni Jesus? Sa halip na matuwa sa tagumpay ng ating kababayan na pinarangalan sa ibang bansa, hinahanapan natin sila ng kapintasan at pilit silang ibinabagsak sa pamamagitan ng ating paninira. Ilang kasamahan natin sa trabaho o komunidad na may mahalagang tungkuling hinahawakan ang napaalis sa posisyon dahil sa paninira sa kanilang reputasyon? Mga kapanalig, “Crab mentality”ang tawag sa ganitong klaseng gawi. Isang di magandang pag-uugali nating mga Filipino na nag-ugat sa pagkakaalipin natin sa kamay ng mga kastila. Sa pagsisikap nating maiangat ang sarili, ibinabagsak naman natin ang iba. Talamak ang kalakarang ito, lalo na ngayong nalalapit na ang eleksiyon. Grabe ang character assassination ng ilang mga kandidato at pagsisiraan ng magkabilang partido makuha lang simpatiya ng mga tao. Ngayong nalalapit na ang eleksiyon, isaalang-alang natin ang pangkalahatang kabutihan ng ating bayan. Huwag nating ipagsapalaran ang kinabukasan ng susunod na salinlahi. Gabayan nawa tayo ng Banal na Espiritu sa ating pagboto. Nang mailuklok natin sa posisyon ang mga taong karapatdapat; may kakayahang mamuno ng tapat, may takot sa Diyos at tunay na malasakit sa ating Inang bayan at mamamayan. Hilingin natin ito sa tulong-panalangin ni San Jose Manggagawa, Amen. (Sr. Lines Salazar, fsp)