EBANGHELYO: Juan 14:1-12
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Papunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.’ At kapag nakapunta na ako at nakapaghanda ng lugar para sa inyo, muli akong darating at isasama ko kayo para sa aking sarili upang kung saan ako naroon gayon din naman kayo. “At alam ninyo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko.” Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala na ninyo siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin. “Diyata’t matagal na panahon na ninyo akong kasama at hindi mo pa ako kilala Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Papano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? “Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Talon na! Huwag kang matakot! sigaw ng mga nanunuod sa binatang nasa mataas na bato. Naghihintay sa baba nya ang karagatan, asul at malalim. Halatang takot siya, kaya ang tagal bago siya nakatalon kahit na wala naman talagang panganib dahil naka-life vest na nga sya, ang dami pang nakaabang sa baba para tulungan siya. Di ba’t ganyan din tayo? Sa ating ebanghelyo malinaw na ipinroklama ni Hesus na sya ang daan, katotohanan, at buhay. Lahat ng kakailanganin natin nasa kanya na, at buong puso niya itong iniaalay sa atin. Ang gagawin na lang natin ay tanggapin si Hesus sa ating buhay. Pero tulad ng mga disipulo marami tayong mga tanong, mga pag-aagam-agam. Hindi tayo maka-talon! Mga kapatid, ngayong araw tayo’y inaanyayahan ni Hesus na manalig at huwag mabagabag. Anuman ang mangyari, hindi tayo mapapahamak basta’t mananalig tayo sa kanya.