Daughters of Saint Paul

MAY 13, 2019 LUNES SA IKA-4 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY Mahal na Birhen ng Fatima

 

EBANGHELYO: JUAN 10:1-10

Sinabi ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, ang hindi dumadaan sa pintuan sa pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumulukso sa ibang dako ay magnanakaw at mandarambong. Ang pastol ng mga tupa naman ay pumapasok sa pintuan. Binubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig; at tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kanilang ngalan at inilalabas niya sila. Kapag nailabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang tinig niya. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan, kundi tatakasan nila siya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng dayuhan.” Ito ang talinhagang sinabi sa kanila ni Jesus. Ngunit hindi nila naintindihan kung ano ang gusto niyang sabihin sa kanila. Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw lamang at mandarambong ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya at papasok at lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Ang magnanakaw ay hindi dumarating kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.”

PAGNINILAY:

Ang Panginoong Hesus ang tunay na Daan, Katotohanan at Buhay. Puspos tayo ng Kanyang grasyang ibinubuhos sa atin araw-araw, dahil ibinuwis na N’ya ang sariling buhay sa atin. Natunghayan natin itong muli nang sinariwa natin ang Misteryo Paskwal, ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay. Si Hesus ang pinagmumulan ng ating Buhay at pangkalahatang sigla; nagpapaalala na wala tayong magagawa kung hindi tayo nakaugnay sa Kanya. Ang tinig N’ya ang nagsisilbing gabay sa ating pang-araw araw na buhay, upang lagi nating masumpungan ang mga plano ng Diyos sa atin. – Sr. Lyn Lagasca, FSP