Daughters of Saint Paul

MAY 2, 2020 – SABADO SA IKATLONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 6:60-69

Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Sino ang makakarinig sa kanya?” Alam naman ni Jesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto ba rin ninyong umalis Pedro?” “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang inyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Kamusta na ang iyong pananampalataya? Isang araw, habang nagmumuni-muni si San Agustin sa dalampasigan tungkol sa misteryo ng Diyos,/ nakakita siya ng isang batang pabalik-balik na kumukuha ng tubig sa dagat/ gamit ang isang pirasong kabibe/ upang punuin ang maliit na hukay sa buhangin/. (Nang tanungin niya kung anong ginagawa nito,/ sinabi ng bata na gusto niyang ilipat ang lahat ng tubig ng dagat /sa maliit na hukay na kanyang ginawa sa buhangin.) “Imposible ang gusto mo,”/ sabi niya sa bata. “Tumpak,” /sagot ng bata./ “Sa totoo’y mas madali pang ilagay ang lahat ng tubig ng dagat sa maliit na hukay na ito, /kaysa unawain ng dakilang misteryo ng Diyos.”// Inilalarawan ng kwentong ito na walang kakayanan ang isip ng tao / na maunawaan ng lubos ang malalim na misteryo ng Diyos. Gayundin naman sa buhay. May mga dumarating na mga problemang mahirap maunawaan; mga pangyayari na nagpapahiwatig na isang misteryo ang buhay; mga panahong lubos na sinusubok ang ating pananampalataya.// Kapag kaharap natin ang mga pagsubok na ito, maaaring ang magiging tugon nati’y: mahinang pananalig, lisanin ang pananampalataya at umasa na lamang sa ating sariling kakayanan. Sa kabilang banda, pwede tayong magpakumbaba, aminin ang ating natural na kakulangan bilang tao at, kagaya ni Pedro sa Mabuting Balita, manalig ng taos-puso kay Hesus gamit ang mga salitang: “Panginoon kanino kami pupunta?/ Nasa iyo ang buhay na magpakaylanman.”// Kapanalig, pakiramdam mo ba parang misteryo ang buhay mo ngayon? Paano mo ito tinutugunan?// 

PANALANGIN:

Panginoon, biyayaan mo po kami ng malaking pananampalataya nang sa gayon hindi kami matatalo ng anumang pagsubok sa buhay. Amen.