Daughters of Saint Paul

MAY 24, 2020 – IKAPITONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY | Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon (A)/ Pandaigdigang Araw ng Pakikipagtalastasan (54th World Communications Day)

EBANGHELYO: Mateo 28:16-20

Pumunta sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Jesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa. At nilapitan sila ni Jesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa Langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako at sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Mga kapatid,ipinagdiriwang natin ngayon ang pag-akyat sa langit ng ating Panginoong Hesus o Ascension Sunday. Kasabay nito, ipinagdiriwang din natin ang 54thWorld Communications Day kung saan hinihikayat tayo ng ating mahal na Santo Papa Francisco, na maging mga tagapagkwento ng Mabuting Balita. Si Hesus ang ating modelo ng magaling na storyteller, kasi hindi bunga ng imahinasyon ang kanyang kwento, kundi hango sa tunay na buhay ng mga tao. Meron itong kakayahang umantig sa damdamin ng nakikinig, at bumago sa kanilang buhay. Epektibo rin itong gamitin sa pagtuturo. Madali kong maalala, ang mga turo noon sa amin ni Bishop Ambo David sa Loyola School of Theology, kasi para lang syang nagkukwento. Ganito rin ang sabi ni Issa, madali raw nyang natutuhan ang mga school of thought dahil para lang nagkukwento yung professor nila sa UP. Ito rin ang ginamit ng mga Israelita, upang ibahagi sa kanilang salinlahi, ang pagliligtas ng Diyos sa kanila mula sa Ehipto. Pinatotohanan din ito ng Ebanghelyo natin ngayon. Isinugo ni Hesus ang kanyang mga alagad na humayo, gawing alagad ang lahat ng bansa, binyagan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo at turuan silang sumunod sa kanyang mga ipinag-utos. Nasasaad sa Gawa ng mga Apostol, na maraming naniwala at nagpabinyag, matapos nilang mapakinggan ang kanilang kwento tungkol kay Hesus, at ang kanyang mga turo. Ganon din sa ating Unang pagbasa, ikinikwento ni San Lukas kay Theophilus ang mga pangyayari, ukol sa pagkabuhay na muli ni Hesus. Sinasabing si Theophilus ay maaring tumutukoy sa isang tao, o maaari rin namang sa sinumang umiibig sa Diyos, dahil ang Theophilus ay isang salitang Griyego, na ang ibig sabihin ay umiibig sa Diyos. Kapatid, meron ka rin bang magandang karanasan kay Hesus, ikwento mo rin para maging inspirasyon sa iba.