Daughters of Saint Paul

MAY 3, 2019 BIYERNES SA IKA-2 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY / Kapistahan nina San Felipe at Santiago, mga apostol

 

EBANGHELYO: JUAN 14:6-14

Sinabi ni Jesus kay Tomas: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.  Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko. Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala n’yo na siya at nakita n’yo siya.”             Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Jesus: “Diyata’t matagal na panahon n’yo na akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”

PAGNINILAY:

Napakinggan natin sa Ebangelyo ang pangangaral ni Hesus tungkol sa Ama. At dahil dito, nasabi ni Felipe kay Hesus, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.”At sinagot naman s’ya ni Hesus, “Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala?’  Mga kapanalig, pinaaalalahanan tayo ng Ebanghelyo sa araw na ito, na patuloy nating kilalanin ang Ama sa katauhan ni Hesus na muling nabuhay. Ang pagkilala sa Ama at kay Hesus, isang proceso at isang regalo mula sa Diyos. Kaya napakahalaga na patuloy tayong lumapit sa kanya sa pamamagitan ng banal na Eukaristiya; magbasa at makinig sa Salita ng Diyos. Mahalaga din sa pagkilala sa Diyos ang tunay na pananampalataya at pagtitiwala sa kanya. Kung walang pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos, wala ding kabuluhan ‘yong mga ginagawa natin para sa Diyos at sa ating kapwa. Kaya hilingin natin araw-araw na sana, mas makilala pa natin ang Ama at si Hesus; na sana, lumago at maisabuhay natin ang ating paniniwala at pagtitiwala sa Ama at kay Hesus na s’yang daan, katotohanan at buhay. Amen. (Sr. Carmel Galula, fsp)