Daughters of Saint Paul

MAY 6, 2019 LUNES SA IKA-3 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 6:22-29

Napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng lawa na walang bangka noon sa lugar na iyon kundi isa lang at hindi sumakay si Jesus sa bangkang ito kasama ng kanyang mga alagad. Ngunit ang ilang malaking bangkang galing Tiberias ay dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay sa pagpapasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Guro, kailan ka pumarito?” Nagsalita sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at kayo ay nabusog. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggan. Ito ang ibibigay ng Anak ng Tao sa inyo; siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga ipinagagawa ng Diyos?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang ipinagagawa ng Diyos: maniwala kayo sa sinugo niya.”

PAGNINILAY:

Narinig natin sa Ebanghelyo na mukhang dismayado si Hesus sa mga taong sumusunod sa kanya. Sa dahilang hindi nila naiintindihan ang mga milagro, pagtuturo o mga tanda na kanyang ipinararanas sa kanila. Kaya winika ni Hesus, “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako, hindi dahil sa nakita n’yo sa mga tanda, kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at kayo’y nabusog. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggan.”Mga kapanalig, marahil habang pinapakinggan natin ang Ebanghelyo sa araw na ito, nanariwa sa ating isipan ang mga pagkakataong katulad din tayo ng mga taong sumusunod kay Hesus.  Sumusunod tayo o nagdadasal sa kanya dahil sa mga pansarili at makamundo nating hangarin, at hindi talaga para makamit ang buhay na walang hanggan. Sa araw na ito, hilingin natin sa Panginoon na baguhin ang ating pananaw at intensiyon sa pagsunod sa kanya. Sa bawat gawain at desisyong ating gagawin, lagi nating itatanong sa sarili, magdadala ba ito sa akin sa buhay na walang hanggan? – Sr. Carmel Galula, fsp

 

PANALANGIN:

Panginoon, hangad ko pong iayon ang aking buhay Sa’yong mahal na kalooban. Gabayan nawa ako lagi ng Iyong Banal na Espiritu nang makatugon ako sa hamon ng Ebanghelyo.  Amen.