EBANGHELYO: JUAN 6:30-35
Sinabi ng mga tao kay Jesus: “Anong tanda ang magagawa mo upng pagkakita namin ay maniwala kami sa iyo? Ano ba ang gawa mo? Kumain ng manna sa ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: ‘Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila.’” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Panginoon, lagi mong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”
PAGNINILAY:
May kasabihan tayo, “The way to a man’s or woman’s heart is through his/her stomach.” Kung gusto mo makuha ang puso ng isang tao at mapalapit siya sa’yo, ilibre o bigyan mo siya ng masasarap na pagkain, at tiyak matutuwa siya at hindi ka niya malilimutan. Totoo ito lalo na sa mga nanliligaw. Kapag gusto ng lalaki ang isang babae at nais niyang suyuin at makuha ang loob nito, bibigyan niya ito ng mga chocolates o imbitahin na mag-date, at kumain sa masasarap na restaurants o fast food chains. Sa ganitong paraan, malaki ang posibilidad na mapalapit and babae sa manliligaw at unti-unting mahulog ang loob nito sa kanya. Ganito rin ang ginagawa ng ilang mga politiko. Nag-oorganizesila ng feeding programs upang suyuin at makuha ang loob at boto ng taumbayan. Sa Ebanghelyo, makikitang nahulog ang loob ng mga Israelita kay Yawe nang minsan silang pakainin ng mannamula sa langit noong nasa ilang sila. Kaya nga hinahamon nila si Jesus kung magagawa rin ba niyang magbigay ng mannamula sa langit, at kung magagawa nga niya iyon, maniniwala sila sa kanya. Dahil sa pagnanais ni Jesus na makuha ang kanilang loob at mapalapit sila sa kanya, hinigitan pa niya ang mannana kanilang kinain. Siya mismo—ang buong buhay at pagkatao niya—ang pagkaing ibibigay niya. Siya ang tinapay ng buhay. Hindi siya tulad ng mannana kinain nila o anumang uri ng pagkain na kung saan nabusog lamang ang kumakalam nilang sikmura. Si Jesus, bilang tunay na tinapay at pagkain, ang tanging makabubusog sa walang katapusang pagkagutom ng sangkatauhan, mapapisikal man o espirituwal. Mga kapanalig, marami man tayong pagkain araw-araw o kapos man tayo dahil sa hirap ng buhay, ating alalahaning nariyan si Jesus, nanunuyo at naghahandog muli ng kanyang sarili upang tugunan ang paulit-ulit nating pagkagutom. Halina’t lumapit sa kanya dahil bubusugin niya hindi lang ang ating sikmura kundi pati rin ang ating kaluluwa.
-Cl. Micha Miguel Competente, SSP