EBANGHELYO: JUAN 6:35-40
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: Nakita na ninyo at hindi kayo naniniwala. “Lalapit sa akin ang anumang ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi upang gawin ang kalooban ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. “Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na huwag kong pabayaang mawala ang anumang ibinigay niya sa akin; sa halip ay ibabangon ko ito sa huling araw. Ito ang kalooban ng akingAma: ang bawat nakasaksi sa Anak at naniniwala sa kanya ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw.”
PAGNINILAY:
Minsan mayroon akong isang mag-aaral na nagtanong kung masama ba raw na unahin muna ang pagtatrabaho kaysa pag-aaral. Mas makapagdadala kasi ng pagkain sa hapagkainan ang pagtatrabaho kaysa sa pag-aaral. Naunawaan ko ang pinangggagalingan ng kanyang tanong, lalo na at mahirap ang buhay at tunay na may mga pagkakatong kailangang ipagpaliban ng iba ang kanilang pag-aaral o kahit na ang kanilang mga personal na pangarap para sa ikatataguyod ng pamilya at mga mahal sa buhay. Tunay itong sakripisyo! Pero sa huli, tatandaan na lagi’t-laging maaaring timbangin ang mahalaga at mas mahalaga. Mahalaga ang makapagbigay pagkain sa hapag kainan. Pero mas mahalaga na handa tayo sa mas malalaking hamon ng buhay, kaya’t maganda ring pundasyon ang may natapos o pinag-aralan. Wika nga ng matatanda, “ito ang yamang hindi mananakaw sa atin.” Sa Ebanghelyo ngayon, hindi sinasabi ni Hesus na masama ang tinapay na nakabubusog ng tiyan, mga pansamantalang tugon sa mga dinaranas na pagsubok sa buhay. Hindi rin niya sinasabing huwag na tayong magtrabaho para sa ating kakainin araw-araw. Bagkus, ang sinasabi ni Hesus, piliin natin ang mas magtatagal. May mga bagay na mahalaga, pero may mas mahalaga. Si Hesus ang Tinapay ng Buhay, ang sinumang lumalapit at tumatanggap sa Kaniya, hindi na magugutom kailanman, at ang nananalig, hindi na mauuhaw. Walang kulang sa piling ng Diyos. Siksik, liglig at nag-uumapaw siya kung magbigay ng ating mga kinakailangan. Ito ang mas mahalaga na ibinibigay at inilalaan sa atin ng Diyos, Buhay na Walang Hanggan. Sa ‘ting pagsusumikap para sa pang-araw-araw nating mga pangangailangan, hwag sana nating malimutan na may mga bagay na mahalaga, pero mayroon ding mas mahalaga. Amen.
– Cl. Buen Andrew Cruz, SSP