Daughters of Saint Paul

MAY 8, 2020 – BIYERNES SA IKA-APAT NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 14:1-6

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Papunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.’ At kapag nakapunta na ako at nakapaghanda ng lugar para sa inyo, muli akong darating at isasama ko kayo para sa aking sarili upang kung saan ako naroroon gayundin naman kayo. “At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Papano namin malalaman ang daan?” “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko.”

PAGNINILAY:

 (Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Bro. Sammy Torrefranca ng Society of St. Paul.)  Madalas nating marinig sa mga millenials kapag-tinatanong sila ukol sa isang problema or kinakamusta sila, “Ito, chill lang. Chill chill lang.” Maaring nating sabihin na may pagka “happy go lucky” naman ng sagot nilang ito. Pero mas angkop at mas sigurado ang sagot na ito, kung merong Hesus na nagpapanatag sa oras ng problema. “Huwag kang mangamba!” Sa krisis na kinakaharap natin ngayon, sa ating pagkalito, takot at pagkabagabag, dahil sa walang kasiguraduhang kinabukasan, ang sinabi ng Panginoon na, “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at Buhay,” ay tunay na napapanahon at nagbibigay pag-asa.  Merong isang frontliner sa panahon ng CoVid-19 na nagbahagi ng isang social media post, “The way now is difficult, our knowledge is lacking to fight to save lives. We offer our life taking confidence to the great teacher: Jesus.”Sumasalamin ang pahayag na ito ng isang malalim na pananampalataya kay Kristo – ang ating dakilang Manggagamot.  Totoong marami na sa atin ngayon ang nahihirapan kung paano maitataguyod ang pang-araw-araw nating pangangailangan dahil sa nagpapatuloy na krisis. Kelan ito matatapos? Paano kung maubos na ang ating naipon?  Paano kung tumagal pa ang krisis at hindi pa tayo makabalik sa trabaho?  Marami tayong mga katanungan na nagdudulot sa atin ng sobrang pag-aalala at stress. Mga kapatid, humugot tayo ng lakas sa sinabi ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo ngayon “Huwag mabagabag ang iyong puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin.”  Panghawakan natin ang mga salitang ito ng Panginoon… nang huwag tayong mawalan ng pag-asa sa gitna ng pinagdadaanang pagsubok. At masasabi nating totoong chill-chill lang ang buhay kapag kasama mo ang Panginoong Jesus sa araw-araw na paglalakbay.