Daughters of Saint Paul

Mayo 02, 2017 MARTES sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / San Atanacio, obispo at pantas ng Simbahan

 

Gawa 751 – 8:1a – Slm 31 – Jn 6:30-35

Jn 6:30-35

Sinabi ng mga tao kay Jesus: “Anong tanda ang magagawa mo upng pagkakita namin ay maniwala kami sa iyo? Ano ba ang gawa mo? Kumain ng manna sa ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: ‘Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila.’”

Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Panginoon, lagi mong ibigay sa amin ang tinapay na ito.”

Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, pumanaog si Jesus sa atin para mabuhay tayo nang walang hanggan.  Magaganap ito kung tatanggapin natin Siya bilang Tinapay ng ating buhay.  Sinabi pa Niya na hindi raw magugutom magpakailanman ang lumalapit sa Kanya.  Kung sakaling nag-iisip kayo kung sa paanong paraan nagiging Tinapay ng Buhay si Jesus:  Una, sa Kanyang Banal na Salita na pinagninilayan natin araw-araw, at ikalawa, sa Banal na Eukaristiya.  Sa Salita ng Diyos natin nakukuha ang makalangit na dunong.  Sa palagian nating pakikinig at pagbabasa ng Kanyang Salita, nagiging malapit tayo sa Kanya, nalalaman natin ang Kanyang kalooban at nai-aayon ang ating buhay sa kung ano ang utos Niya.    Nahuhubog din ang ating budhing Kristiyano.  Natutulungan tayo nitong makapag-isip kung ano ang nararapat at makapagdesisyon ng tama.  Sa Banal na Eukaristiya naman, habang sinasariwa natin ang pagliligtas Niya sa atin, nagiging tunay na katawan at dugo Niya ang tinatanggap natin.  Kaya sa tuwing nakikinabang tayo sa Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Komunyon, tinatanggap natin ang pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan.  Mga kapatid, si Jesus ang tugon sa pagkauhaw at pagkagutom ng kaluluwa natin.  At habang nabubuhay tayo, patuloy tayong naghahangad sa Kanya na parang laging may kulang na Siya lang ang makapupuno.  Nagpapatuloy ito hanggang sa mamatay ang lupang katawan natin at makapiling natin si Jesus.  Sa Langit, walang maliw ang piging dahil walang-hanggan nating kapiling ang tinapay ng buhay.