Daughters of Saint Paul

Mayo 07, 2017 LINGGO Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / Linggo ng Mabuting Pastol

 

Gawa 2:14a, 36-41 – Slm 23 – 1 P 2:20b-25 – Jn 10:1-10

Jn 10:1-10

Sinabi ni Jesus:  “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, ang hindi dumadaan sa pintuan sa pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumulukso sa ibang dako ay magnanakaw at mandarambong. Ang pastol ng mga tupa naman ay pumapasok sa pintuan. Binubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig; at tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kanilang ngalan at inilalabas niya sila. Kapag nailabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang tinig niya. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan, kundi tatakasan nila siya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng dayuhan.”

             Ito ang talinhagang sinabi sa kanila ni Jesus. Ngunit hindi nila naintindihan kung ano ang gusto niyang sabihin sa kanila.

            Kaya sinabi uli ni Jesus:  “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw lamang at mandarambong ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya at papasok at lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Ang magnanakaw ay hindi dumarating kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.”

PAGNINILAY

Sinabi ni Pope Paul VI sa kanyang encyclical na Evangelium Nuntiandi, “Mga saksi ang kailangan ngayon sa ika-dalawampung siglo, hindi mga guro.  Kung mahalaga ngayon ang guro, ito’y dahil naging saksi muna sila.”  Mga kapatid, magiging madali nga ang pagsunod sa namumuno kung ang salita niya, nakikita sa gawa.  Mahalaga sa mga naglilingkod na malinis ang kanyang buhay moral.  Okey lang ang paminsan-minsang pagkakamali, sino ba naman ang perfect?  Okey lang din ang paminsan-minsang nagagalit, pero nasa tamang dahilan.  Kung tutuusin marami ang tinatawag ng Panginoon na maging saksi ng Kanyang Muling Pagkabuhay.  Lahat tayo tinatawagan Niyang maging saksi ng Kanyang kabutihan at pagmamahal sa ating pamilya, komunidad, opisina at samahan.  Patuloy rin Siyang kumakatok sa puso ng mga kabataang lalaki at babae na maging kasangkapan sa tunay na pagbabago, maging mabubuting lider sa hinaharap at labanan ang umiiral na sistema ng katiwalian at pagpatay sa lipunan.  Ano ang tugon mo sa panawagang ito?