BAGONG UMAGA
Magandang araw ng Miyerkules mga kapatid/kapanalig! Pasalamatan natin ang Diyos sa pasimula ng buwan ng Mayo, at sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose Manggagawa. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata labintatlo, talata limampu’t apat hanggang limampu’t walo.
Ebanghelyo: Mt 13:54-58
Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Pagninilay
Nagtatakang nagtanong ang mga taga-Nasaret: “Saan kumuha ng karunungan at mga makapangyarihang gawa ang taong ito? Hindi ba ito ang anak ng karpintero?” At ayaw nilang kilalanin siya. Sa iba pong salin, ang mga makapangyarihang gawa ay tinawag na kababalaghan, milagro at himala. Ano ba ang inihahayag ng mga makapangyarihang gawa ng Diyos? Gaya ng narinig natin sa Ebanghelyo, ang presensiya ng Diyos kay Jesukristo ay nagpapagaling at nagpapalaya sa anumang sitwasyon ng karamdaman, kahirapan o kasamaan. Kaya nga hindi makapaniwala ang mga taga-Nasaret. Kasi, anak “lang” naman si Jesus ng karpintero, at kilala nila siya. Kapatid, alam mo ba na ang mga makapangyarihan gawa ng Diyos ay nangyayari pa rin hanggang ngayon? Oo, maraming milagrong nagaganap, at iyong iba pa nga ay sa pamamagitan ng ating mga kamay! Sapagkat anumang trabaho o hanapbuhay kapag ginawa nang may dangal, katotohanan, at mapagmahal na layunin ay nagpapabanal. Tuwing tayo’y nagpapatawad, nagmamahal, nagpaparaya, at ginaganap nang may responsibilidad ang ating tungkulin, hinahayaan nating maging daluyan tayo ng makapangyarihang gawa ng Diyos. Oo, kapatid, Katulad ni San Joseng karpintero, tayo rin ay binigyan ng misyon ng Panginoon na itaguyod at akayin ang kapwa tungo kay Kristo. Huwag tayong manghinawa kung hindi tayo paniniwalaan ng iba, o pinahihirapan tayo sa ating trabaho; bagkus ay magpatuloy tayong makiisa sa mga makapangyarihan gawa ng Diyos.