Daughters of Saint Paul

Mayo 10, 2017 MIYERKULES sa Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / San Damiano Jose de Veuster

 

Gawa 12:24-13:5a – Slm 67 – Jn 12:44-50

Jn 12:44-50

Malakas na sinabi ni Jesus: “Ang naniniwala sa akin ay hindi sa akin naniniwala kundi sa nagsugo sa akin. Ang nakakasaksi sa akin ay nakakasaksi sa nagsugo sa akin.

            “Dumating ako sa mundo bilang liwanag upang hindi sa dilim manatili ang bawat naniniwala sa akin. Kung may nakakarinig sa aking mga salita at hindi ito iingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya, sapagkat hindi ako dumating upang hukuman ang mundo kundi upang iligtas ang mundo.

            “May huhukom sa bumabalewala sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita. Ang salitang binigkas ko ang huhukom sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili; ang nagsugo sa akin, ang Ama, siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at paano ako magsasalita. Alam ko na buhay na walang hanggan ang utos niya. Kaya lahat ng binibigkas ko’y binibigkas ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, malinaw ang pahayag ng Panginoong Jesus tungkol sa malalim Niyang pakikipag-ugnyan sa Ama.  Siya at ang Ama, iisa.  Siya ang buhay na larawan ng Ama.  Sa pamamagitan Niya, nakita natin ang tunay na larawan ng Ama.  Ang Diyos na dati’y tila malayo, naging napakalapit sa atin dahil kay Jesus.  Dahil kay Jesus, nadinig natin ang tinig ng Diyos na nagkatawang-tao at namuhay kasama ng mga tao.  Dahil kay Jesus, higit na naging matibay ang ating pakikipag-ugnayan sa Ama.  Dahil kay Jesus at sa Kanyang pagkakatawang-tao, higit nating nadama ang pagiging malapit sa Ama.  Mga kapatid, nakilala natin ang Diyos Ama, dahil sa Panginoong Jesus.  Walang Siyang ginawa dito sa mundo nang hindi nanggagaling at ipinag-uutos ng Diyos Ama.  Ang kaisahan Niya sa Diyos Ama ang nagbigay sa Kanya ng kapangyarihan upang mamuhay lagi ayon sa kalooban ng Ama.  Bilang mga Katolikong Kristiyano, na bininyagan sa liwanag ni Kristo, paano ba tayo nagiging instrumento sa pagsiwalat ng liwanag ni Kristo sa sanlibutan?   Masasabi rin ba natin, na kaisa tayo ng Panginoong Jesus sa lahat ng panahon at pagkakataon ng ating buhay – sa oras ng kaginhawahan at kapighatian, sa oras ng tagumpay at kabiguan, sa oras ng saya at lungkot?  Kaisa ba natin Siya, sa pamumuhay sa liwanag?  Kung tunay tayong sumasampalataya sa Panginoong Jesus, marapat lamang na mamuhay tayo sa Kanyang liwanag at talikdan ang masasamang gawain ng kadiliman.  Para magawa natin ito, mahalaga ang malapit na pakikipag-ugnayan natin sa Diyos sa panalangin, ang pagbabasa ng Kanyang Banal na Salita, at ang pakikibahagi sa Banal na Misa at pagtanggap sa Kanya sa Banal na Komunyon.   Kung namumuhay tayong malapit sa Diyos at Siya ang nasa sentro ng ating mga pagkilos, gawain at pagdedesisyon – lagi tayong mamumuhay sa Kanyang liwanag.  Tiyak na di masukat na saya at kapayapaan ang ating mararanasan sa piling Niya.