Daughters of Saint Paul

Mayo 10, 2024 – Biyernes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay   

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Biyernes mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labing-anim, talata dalawampu hanggang dalawampu’t tatlo. 

Ebanghelyo: Jn 16:20-23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan. Namimighati ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang oras niya. Ngunit pagkasilang sa sanggol, hindi na niya naaalaala ang dalamhati dahil sa galak: pumasok sa mundo ang isang tao! “Gayundin kayo namimighati ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong kalooban, at walang makaaagaw sa galak ninyo.At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n’yo sa Ama sa Ngalan ko ay ipagkakaloob niya sa inyo.”

Pagninilay:

“Tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan.” Ang dalamhati ng mga alagad sa paglisan ni Jesus ay mapapalitan ng kagalakang walang makaaagaw sa kanila. Hindi ito mapapawi ninuman dahil nakaugat ito sa espiritwal na pananatili na hindi kailanman mawawala, gaya ng katawan niya habang nabubuhay sa mundo. Mas malalim at ganap ang presensiya ni Kristo dahil hindi ito natatapos. Kaya naman ang kaligayahang walang ‘makakaagaw sa inyo’ ang kapupunan ng ‘kapayapaang hindi maibibigay ng mundo.’  Napakaganda ng larawan ng inang malapit nang magluwal ng kanyang sanggol. Halu-halo ang emosyon niya: takot, pangamba, pighati, galit, agam-agam, pisikal na paghihirap at pagkabalisa. Kahit na marami nang pag-unlad sa medisina tulad ng caesarean operation, hindi nabubura nito ang katotohanang agaw-buhay lagi ang ina sa pagluwal ng kanyang sanggol. Pero lahat ng ito’y napapawing parang ulap kapag narinig na ng ina ang ‘uha’ ng kanyang anak at mayakap ito sa kanyang dibdib. Oo, mahirap ang buhay sa mundo. At hindi biro ang maging alagad ni Kristo dahil kasama lagi dito ang pagpapasan ng krus. Pero napapalitan ng kagalakan ang pamimighati, dahil may bagong buhay na iluluwal sa bawat pasakit at sakripisyo, kung iuugnay natin ito sa krus ng Panginoong Jesus. Tanging sa krus lamang magkakaroon ng bagong buhay ang mundo – at hindi natin mararanasan ang lubos na kaganapan kung magtitiis lang tayo na malayo kay Kristo. Sapagkat sa krus lamang ni Kristo masusumpungan ang kaligtasan, ang kaligayahan at ang buhay.