Gawa 13:13-25 – Slm 89 – Jn 13:16-20
Jn 13:16-20
Sinabi ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ito, mapalad kayo kung isasagawa ninyo ang mga ito.
“Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang kasulatan: ‘Ang nakikisalo sa aking pagkain ay nagpakana laban sa akin.’ Sinsabi ko na ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang manalig kayo na Ako Nga kapag ito ay nangyari.
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ang tumatanggap sa ipinadadala ko ay sa akin tumatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa Amang nagpadala sa akin.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa sinabi ni Jesus, “na walang aliping, mas dakila sa Panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya”, sinasagisag nito ang Kanyang misyon, bilang sinugo ng Ama para sa ating kaligtasan. Buong kababaang-loob Niyang itinuring ang sarili bilang alipin na nagsasagawa lamang ng kalooban ng Ama. Sa panahon natin ngayon ang mga misyonero ang itinalaga ng Panginoong Jesus na mangalaga ng Kanyang kawan at magpatuloy ng Kanyang gawaing magturo at isiwalat sa sangkatauhan ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan. Si San Pablo Apostol ang isa sa mga misyonerong masigasig na nangaral ng Salita ng Diyos na buhay at makapangyarihan. Mula sa pagiging taga-usig ng Kristiyano binago siya ng ating Panginoong Jesus para ipangaral ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan sa mga Hentil. Kabilang tayo sa mga hentil o paganong nabibiyaan ng pananampalatayang Kristiyanismo dahil sa pangangaral ni San Pablo Apostol. Utang natin sa kanya ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesus na nagpakasakit, namatay at muling nabuhay para sa ating kaligtasan. Mga kapatid, bilang mga binyagang Kristiyano, tayo din, mga misyonerong inatasan ng Panginoong ipadama sa kapwa ang Kanyang walang-hanggang pagkalinga’t pagmamahal. Kung tayo’y pinatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan at binigyan ng panibagong pagkakataon para magsisi, ganun din ang gawin natin sa kapwang nagkasala sa atin. Kapatid, handa ka bang maging misyonero ng Panginoon sa kasalukuyang panahon? Lalo na sa umiiral na sistema sa ating lipunan na ang mga gawaing dati, itinuturing nating mali, at labag sa utos ng Diyos, nagiging tama na sa mata ng marami sa ngayon. Katulad ng pagpatay sa kapwa, hayagang pangangalunya na ipinagmamalaki pa. At ang pagiging disenteng tao na may mabuting asal na ang ikinakahiya at nagiging katawa-tawa? Ano na ang nangyari sa ating pagpapahalagang moral?