BAGONG UMAGA
Magandang araw ng Sabadomga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labing-anim, talata dalawampu’t tatlo hanggang dalawampu’t walo.
Ebanghelyo: Jn 16:23b–28
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan.
Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Aalis na ako sa sanlibutan at babalik sa Ama. Nagpapaalam na ang ating Hesus Maestro sa Kanyang mga alagad. Nag-heart-to-heart Siya sa kanila sa nalalapit na pagwakas ng Kanyang “divine earthly mission”. Para sa Kanya, napapanahon nang ibunyag na “Nagmula Siya sa Diyos at naparito Siya sa sanlibutan, para sa pag-akò sa kasalanang hindi Niya ginawa, at harapin ang kahiya-hiyang kamatayan, para handugan tayo ng panibagong-buhay at ng muling pagkabuhay. Ikalawa, sa Kanyang pagbabalik-anyong Espiritu, namaalam Siya sa mga alagad at umakyat sa Diyos Ama. Ito ang i-cecelebrate natin bukas. Bago siya umalis, ipinagkatiwala Niya sa mga alagad ang misyon ng pagpapahayag ng Magandang Balita sa buong mundo. Ito ang Missio ad gentes. Bilang Simbahan, tinatawag natin ito na World Communications Day na pinasinayaan ni Pope Paul VI noong 1967. Ngayong taon, makahulugan ang pahayag ni Pope Francis tungkol sa kahalagahan ng “karunungan ng puso”. Kailangan daw natin ito sa pang-araw-araw nating pakikipag-usap at pakikipagtalastasan. Nakakamit natin ang karunungan sa mga natututuhan natin sa mga karanasan, pagpulot ng aral sa mga maling nagawa, at sa pagsasaliksik ng kung ano ang tama. Samantalang ang puso naman ay ang tahanan ng katotohanan at pagpapasya. Sinisimbulo nito ang integridad at pagkakaisa. Higit sa lahat, ang puso ang panloob na tagpuan natin sa Diyos. Kaya’t pagsikapan nating taglayin ang karunungan ng puso dahil malaki ang pananagutan natin sa bawat nabibitawan nating salita.