Ebanghelyo: Juan 10:27-30
Sinani ni Hesus: Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kama ko. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.”
Pagninilay:
Sa ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, nakatuon tayo sa kanya bilang Mabuting Pastol na nagbibigay ng bagong buhay at isang buhay na ganap at kasiya-siya para sa ating lahat. Saan nga ba nagmula ang larawan ni Jesus bilang Mabuting Pastol? Laganap ang pagpapastol ng mga tupa sa Israel noon pa mang unang panahon. Sa Lumang Tipan, nang ilarawan ng mga propeta ang Diyos, itinuring nila ang Panginoon bilang “Mabuting Pastol”. Ipinahayag nila ang kanilang pananampalataya at pagtitiwala sa kanya sa Salmo 23: “Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang … hindi ako mangangamba.” Humirang ang Panginoon ng mga lider na magpapastol o mamumuno sa Israel. Mayroong naglingkod nang tapat sa bayang Israel. Isang halimbawa ay si David na nagtrabaho bilang pastol sa kanyang kabataan. Naging bantog si David nang talunin niya si Goliath, ang Filisteong kalaban ng Israel. Nang siya’y maluklok bilang hari, pinamunuan ni Haring David ang Israel tungo sa kapayapaan at kasaganaan. Ngunit hindi lahat ng mga hari ay taos-pusong naglingkod tulad ni David. Karamihan sa mga naging hari ay nagpastol lamang sa kanilang sarili habang pinagmamalupitan ang taumbayan. Kaya’t naghayag ang Panginoon na papalitan niya ang mga nakaluklok sa trono at siya mismo ang magpapastol o mag-aalaga sa kanyang kawan.
Ang propesiyang ito ni Propeta Ezekiel (34:3-6) ay nagkaroon ng katuparan nang mismong anak ng Ama ang ipinadala niya sa daigdig. Natamasa ng tao ang magandang pagpapastol sa katauhan ni Jesucristo nang busugin niya ng Salita ng Diyos ang mga taong nasabik sa Magandang Balita. Hinanap niya ang mga naligaw ng landas at pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Binigyan niya ng ginhawa sa buhay ang mga naghihirap at mga sugatan – yaong walang pagkain, mga bulag, pipi at bingi, mga inaalihan ng masamang espiritu. Nakiramay siya sa mga nagdadalamhati at naghatid siya ng pag-asa sa mga dapang-dapa sa buhay.
Sa ebanghelyo, binigyang-diin ni Jesus na bilang pastol sa kanyang kawan, siya ang unang magsasalita at kailangang maging pamilyar at makinig ang mga tupa sa tinig ng pastol. Gumala man at kumalat man ang mga tupa, matutunton nila ang daan pabalik sa pastol kung marunong silang makinig. Kilala ng pastol ang kanyang kawan. Sa Bibliya, kapag kilala, ibig sabihin, minamahal. Kaya si Jesus na kilala at minamahal ang kawan ang magpo-protekta sa kanila, dadalhin sa magandang pastulan upang mabusog at makainom. At sa pagtatapos ng bawat araw, ibabalik silang ligtas sa kanilang himlayan para makapamahinga nang payapa.Manalangin tayo: Panginoon, pagpalain mo po ang mga pastol ng Simbahan sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin bilang mga kahalili ni Jesucristo. Dumadalangin po kami para sa mga kabataang nagbibigay ng kanilang sarili sa pag-aaral sa seminaryo para maging mga tunay at tapat na lingkod ng Simbahan. Idinadalangin din po namin na maging mapayapa ang eleksyon bukas at pumili nawa ang mga botante ng mga kandidato na maaring pagkatiwalaan na maglilingkod ayon sa diwa ni Jesus na aming Mabuting Pastol.